MANILA, Philippines – Muling inihain sa Kamara ng House Quad Committee (Quadcom) ang panukalang gawing heinous crime ang extrajudicial killing (EJK).
Ang House Bill (HB) No. 1629 ay inakda nina Reps. David “Jay-jay” Suarez (Quezon), Bienvenido Abante Jr. (Manila), Romeo Acop (Antipolo), Zia Alonto Adiong (Lanao del Sur), Paolo Ortega V (La Union), Ernesto Dionisio Jr., Rodge Gutierrez (1-RIDER party-list), Lordan Suan (Cagayan de Oro City, 1st District), Jay Khonghun (Zambales), Gerville “Jinky Bitrics” Luistro (Batangas), at Jonathan Keith Flores (Bukidnon, 2nd District).
Ang kaparehas na panukala ay unang inihain noong 19th Congress.
Layon ng panukala na matuldukan ang patuloy na nangyayaring EJK na iniuugnay sa Duterte administration. Sa talaan ng Commission on Human Rights (CHR), nasa 846 ang naimbestigahang EJK deaths mula 2016 hanggang 2022.
Sa ilalim ng panukalang Anti-Extrajudicial Killing Act, ang mga military o police officials na mag-uutos ng EJK ay papatawan ng kaparehas na parusa.
Ang mga public official ay maaari ring patawan ng suspensyon kung may mga EJK cases sa kanilang hurisdiksyon.
Nakapaloob din sa panukala ang pagtatatag ng Extrajudicial Killings Claims Board sa ilalim ng CHR. Ang tanggapang ito ang siyang magpoproseso ng monetary at non-monetary reparations sa mga biktima.
Ang pamilya ng biktima ng EJK ay maaaring makatanggap ng P250,000 hanggang P500,000.
“Extrajudicial killings pose a serious challenge to democratic institutions and erode public confidence in the justice system. When perpetrators are not held accountable, impunity thrives and the most basic human rights are rendered hollow,” nakasaad sa panukala.
Iginiit ng mga mambabatas na sa oras na maisabatas ang EJK bilang heinous crime ay matitiyak ang due judicial process.
“More importantly, this measure will help build a culture of accountability and demonstrate that the State does not condone killings committed outside legal boundaries,” ayon pa sa panukala. Gail Mendoza