MANILA, Philippines – Inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang panukala na mag-uurong sa kauna-unahang eleksyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) mula Mayo 12, 2025 patungong Oktubre 13, 2025.
Inaprubahan ang Senate Bill 2942 sa 18 affirmative votes, isang negative vote, at zero abstention.
Sa ilalim ng SB 2942, ang BARMM polls matapos ang October 13, 2025 elections, ay gagawin kasabay ng 2028 national elections at kada-tatlong taon matapos ito.
Ang termino ng mga mahahalal sa kauna-unahang BARMM polls ay magsisimula naman Oktubre 30, 2025.
Sa extension ng transition period, ang mga opisyal ng Bangsamoro Transition Authority ay patuloy na maglilingkod hanggang sa mahalal ang mga papalit sa kanila.
Samantala, ang mga naghain ng certificate of candidacy (COC) para sa parliamentary districts at nominees sa party representatives na nakalista sa Certificate of Nomination at Acceptance in Manifestations of Intent to Participate para sa dapat sanang May 12, 2025 BARMM polls ay awtomatikong ikinokonsidera bilang kandidato at nominee para sa October 2025 elections.
Hindi naman tatanggap ng mga bagong filing para sa COCs at Manifestations of Intent to Participate.
Dagdag pa, hindi rin papayagan ang pagpapalit ng mga kandidato o nominee.
Ang bersyon ng Senado sa panukalang ito ay iba sa proposal naman sa Kamara. RNT/JGC