MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Senate Committee on Local Government ang mga panukalang batas na ipagpaliban ang November 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at gawing limang taon ang termino ng mga barangay at SK officials.
Kasama rito ang Senate Bill No. 2067 ni Sen. Imee Marcos na naglalayong ilipat ang BSKE mula Nobyembre 2, 2026 patungong Oktubre 2027. Layunin nitong mabawasan ang gastos ng mga botante, kabilang ang pamasahe, lalo na sa gitna ng mataas na presyo ng gasolina. Binanggit din ni Marcos na kasabay ng nakatakdang halalan ang All Souls’ Day.
Samantala, ang Senate Bill No. 2387 ni Sen. Chiz Escudero ay naglalayong gawing limang taon mula sa kasalukuyang apat na taon ang termino ng barangay at SK officials upang magkaroon ng mas mahabang panahon para maisagawa ang mga proyekto sa kanilang mga komunidad.
Ayon kay Escudero, posibleng maaprubahan ang panukala bago ang Nobyembre 2, 2026. Aniya, ang natural na epekto nito ay ang pagpapaliban ng nalalapit na halalan, ngunit ang pangunahing layunin ng panukala ay ang pag-aayos ng termino, hindi lamang ang postponement ng eleksyon.
Sinabi naman ni PPCRV National Coordinator Arwinie Serrano na maaari pa ring ipatupad ang limang taong termino kahit matuloy ang halalan sa Nobyembre 2.
Samantala, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na nakagastos na ang Comelec ng ₱8 bilyon para sa paghahanda sa BSKE. Maaari umanong itago muna ang mga nabili nang ballot boxes at balota kung maaantala ang halalan, ngunit posibleng maulit ang gastos para sa voter registration, personnel services at overtime kapag itinuloy sa ibang petsa ang eleksyon.
Ang pag-apruba ng komite ay susundan ng paggawa ng committee report. Kapag nalagdaan ito ng mayorya ng mga miyembro, ihaharap ang panukala sa plenaryo para sa susunod na proseso. RNT/MDS