MANILA, Philippines- Nagpahayag ng suporta ang Department of Health (DOH) para sa pagbabakuna sa mga alagang aso at pusa sa bansa sa gitna ng mga kaso ng rabies.
Ssinabi ni DOH Secretary Teodoro J. Herbosa na ang rabies ay 100 porsyentong nakamamatay “kapag lumitaw ang mga sintomas,” ngunit ito rin ay 100 porsyentong maiiwasan sa pamamagitan ng napapanahong pagbabakuna sa mga aso at pusa at agarang paggamot sa mga tao pagkatapos ng pagkakalantad.
Nauna nang sinabi ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na P110 milyon ang kailangan para bakunahan ang nasa 22 milyong aso at pusa sa bansa.
Nagpahayag ng suporta ang DOH sa DA at sa kanilang kahilingan na kumpletuhin ang pondo para sa pagbabakuna sa aso at pusa.
Samantala, naobserbahan ng DOH ang pare-parehong bilang ng mga kaso ng rabies sa bansa, na nagpapakita ng pagbaba ng 20 porsyento, na may 12 kaso na naiulat mula Agosto 18 hanggang 31 kumpara sa 15 kaso mula Agosto 4 hanggang 17.
Gayunman, maaaring mag-iba pa rin ang mga kaso sa mga papasok na ulat, base sa DOH.
Noong Setyembre 14, iniulat ng DOH ang kabuuang 354 kaso ng rabies sa buong bansa.
Ito, ayon sa DOH, ay kumakatawan sa 23 porsyentong pagtaas kumpara sa 287 na mga kaso na naiulat sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Bukod dito, hinimok ng DOH ang publiko na patuloy na maging mapagmatyag at proactive upang maiwasan ang rabies transmission.
Sa pinakahuling datos, binanggit ng DOH na 10 rehiyon—ang National Capital Region (NCR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Bicol Region, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, at Soccsksargen—ang nagpakita ng pagtaas ng kaso ng rabies sa nakaraang buwan.
Habang patuloy na sinusubaybayan ang mga kaso, muling iginiit ng DOH na ang rabies ay “maiiwasan” sa pamamagitan ng napapanahong pagbabakuna sa parehong mga alagang hayop at indibidwal na nalantad sa virus. Jocelyn Tabangcura-Domenden