BAGUIO CITY, Philippines – Iniimbestigahan ng Department of Education (DepEd) Baguio at Baguio City Police Office (BCPO) ang insidenteng kinasangkutan ng isang 13-anyos na Grade 8 student na umano’y nagtutok ng hindi gumaganang baril sa kaniyang kaklase sa Lucban Integrated School noong Setyembre 16.
Ayon kay school principal Dr. Felto Agpawa, tatlong mag-aaral ang sangkot sa insidente na naganap noong umaga.
Nalaman ang insidente matapos i-text ng isang estudyante ang kaniyang magulang, na nagsabi naman sa guro. Iniulat ito kay Agpawa alas-12:40 ng tanghali at ipinaalam sa BCPO Station 2 alas-1:50 ng hapon.
Inimbestigahan agad ng pulisya ang insidente habang isinailalim naman sa guidance counselors ang mga estudyante para sa psychosocial assessment, psychological first aid at iba pang suporta. Kalaunan, isinangguni rin sila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa karagdagang pagmamasid.
Ayon kay BCPO City Director Police Col. Nixon Laoyan, hindi gumagana ang baril na umano’y ginamit at hindi ito pag-aari ng pulisya o anumang uniformed personnel. Patuloy ang imbestigasyon at pananagutin ang mapatutunayang responsable.
Sinabi ni Agpawa na patuloy na mino-monitor ng guidance counselors ang mga estudyante. Karamihan ay nakabalik na sa klase, maliban sa umano’y suspek.
Nabigyang-pansin din ang seguridad ng paaralan na may 2,399 mag-aaral ngunit isang security guard lamang ang nakatalaga buong araw. Ayon sa DepEd Baguio, pinalalakas na ang campus security sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa PTA at Kaagapay Task Force Program, kung saan tumutulong ang mga parent volunteer sa mga oras na maraming estudyante.
Itinanggi naman ni Agpawa ang hiwalay na alegasyon sa social media na may Grade 3 pupil na nagtutok umano ng kutsilyo sa kapwa mag-aaral at hindi iniulat sa school principal. RNT/MDS