Manila, Philippines – Sa pangunguna ni Persida Acosta, muling kinilala ng Public Attorney’s Office o PAO ang mahahalagang kontribusyon ng mga personalidad mula sa entertainment industry sa ginanap na grand convention ng mga public attorneys.
Dinaluhan ng PAO lawyers, opisyal ng gobyerno, media personalities, at mga kinatawan ng showbiz industry ang naturang pagtitipon na naging daan upang parangalan ang mga indibidwal na naging inspirasyon sa publiko at nakapagbigay ng kontribusyon sa PAO sa pamamagitan ng kanilang talento at makabuluhang adbokasiya.
Binigyang-diin din ni Chief Persida Acosta ang kahalagahan ng media sa pagpapalaganap ng impormasyon, inspirasyon, at pag-asa sa mamamayan.
Ayon sa kanya, malaki rin ang papel ng mga taga-entertainment industry, broadcasters, performers, at content creators sa paghubog ng kamalayan ng publiko, lalo na sa usapin ng pagtulong sa kapwa at pagsusulong ng mga makataong adhikain.
Ilan sa mga pinarangalan ay kinilala dahil sa kanilang natatanging kontribusyon sa larangan ng telebisyon, radyo, pelikula, musika, at digital media, katulad nina Emma Cordero, Fernan de Guzman, Rodel Fernando, Richard Hinola, Angelo Palmones, at Joey Sarmiento, at marami pang iba.
Naging makulay at makahulugan ang programa dahil sa pagsasama-sama ng mga personalidad mula sa iba’t ibang sektor na kapwa nagsusulong ng serbisyo publiko at positibong impluwensiya sa lipunan.
Naging tampok din sa okasyon ang pagbibigay-pugay sa mga public attorneys na patuloy na nagsisilbi sa mga nangangailangang Pilipino. Ipinakita sa convention ang dedikasyon ng PAO sa paghahatid ng libreng serbisyong legal sa taumbayan at ang patuloy nitong pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang industriya upang maisulong ang kapakanan ng publiko.
Sa kabuuan, naging matagumpay ang grand convention bilang selebrasyon ng pagkilala, pagkakaisa, at serbisyo para sa sambayanang Pilipino. JP Ignacio