Home NATIONWIDE PAOCC: Chinese na naaresto sa Porac ‘pumuga’ mula sa Bamban POGO raid

PAOCC: Chinese na naaresto sa Porac ‘pumuga’ mula sa Bamban POGO raid

MANILA, Philippines- Naaresto ng mga awtoridad ang isang Chinese national, pangatlong araw na pagsalakay sa illegal Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) facility sa bayan ng Porac sa Pampanga.

Pinaniniwalaan na ang nasabing Chinese national ay nakatakas mula sa pagsalakay sa Bambam Pogo at pinaghihinalaang sangkot sa pagto-torture.

Kinilala ng Presidential Anti-Organized  Crime Commission (PAOCC) ang Chinese national na si Wu Lifeng, ang suspek ay napaulat na nasakote habang namimitas ng mangga mula sa puno sa labas ng Porac POGO compound.

“Galing siya kung saan saan —  connected siya sa Bambam, connected siya sa Fontana, sa mga iligal na  mga POGO diyan sa Fontana… Kriminal po talaga ‘yan. Sindikato po ‘yan.  Lahat naman po nandiyan sindikato,” ayon kay PAOCC spokesperson Winston John  Casio sa isang ulat.

Sinasabing ang suspek ay isa sa mga indibidwal na nakatakas habang isinasagawa ang pagsalakay sa POGO hub sa Bamban, kung saan may 167 Chinese ang naaresto noong nakaraang buwan.

Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng PAOCC at itinuturing bilang ika-160 naarestong suspek sa Porac, matapos na matagpuan ng mga awtoridad ang mga larawan ng bangkay at isang larawan ni PAOCC undersecretary Gilbert Cruz sa kanyang mobile phone.

Nito lamang nakalipas na linggo, natagpuan ng mga awtoridad ang tatlong malalaking sachet na naglalaman ng 30 gramo ng pinaghihinalaang methamphetamine o shabu, na may mantsa ng dugo sa sahig, kumot at damit sa malapit na kuwarto.

Natagpuan din ng mga ito ang materyales na sinasabing ginagamit para sa pag-torture kabilang na ang baseball bat at electric rods para kuryentehin ang mga tao.

“Mukhang isa rin itong lugar kung saan sinasaktan ‘yung kanilang mga tao. This will be part of the evidence that will be filed against the owners of this establishment,” ayon naman kay Philippine National Police-Criminal Investigation and  Detection Group (CIDG) Deputy Director Police Col. David Poklay.

Nauna rito, natuklasan din ng mga awtoridad ang pinaghihinalaang scam hub, kung saan daan-daang computers at mobile phones ang natagpuan. Kris Jose