Home NATIONWIDE DMW: License renewal ng OFWs padadaliin

DMW: License renewal ng OFWs padadaliin

MANILA, Philippines-Malapit nang makapag-renew ang Overseas Filipino Workers (OFW) ng kanilang driver’s license online at hindi na kailangang bumalik sa Pilipinas para personal na mag-renew nito.

Sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Hans Leo Cacdac nitong Linggo na ang inisyatiba ay upang mawakasan ang red tape sa proseso ng pag-renew.

“Ang kahilingan usually ng Filipino community ay ‘yung magkaroon ng mobile license renewal services ‘yung LTO (Land Transportation Office) sa ibang bansa. Obviously that will entail mobilization of resources and personnel so ngayon… online, digitalized o automated ang license renewal process,” sabi ni Cacdac sa isang panayam.

Gayunman, nilinaw ng opisyal na ito ay anunsyo pa lamang na ang inisyatiba ay isinasagawa pa hindi pa ipinatutupad.

“‘Yung mga detalye, isasagawa pa nila LTO Asec. Vigor Mendoza at magkaroroon pa ng pangalawang issuance [ng memorandum]… Pasimula pa lang ‘yan. Mayroon pang follow through,” wika ni Cacdac.

Target namang ilunsad ng DMW at LTO  ang pagpapatupad ng nasabing serbisyo sa loob ng isa o dalawang buwan.

Idinagdag pa ni Cacdac na kung maging tagumpay ang serbisyo sa panahon ng pagpapatupad nito sa mga OFWs,  maaari rin itong ipatupad sa lokal, ngunit nilinaw ni Mendoza na ito ay “sa tamang panahon” at mas nakatuon sila sa panig ng mga OFW.

Ang inisyatiba ay inisyal na inanunsyo noong Biyernes, Hunyo, kasabay ng Migrant Worker’s Day. Jocelyn Tabangcura-Domenden