Home NATIONWIDE Raymond Balatbat itinalagang ambassador sa Saudi Arabia

Raymond Balatbat itinalagang ambassador sa Saudi Arabia

MANILA, Philippines- Hinirang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si career diplomat Raymond Balatbat bilang bagong Philippine ambassador to the Kingdom of Saudi Arabia, na may ‘concurrent jurisdiction’ sa Republic of Yemen.

Sinabi ni Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel na hinirang ng Pangulo si Balatbat noong Hunyo 3 at ang mga dokumento nito ay natanggap naman ng congressional Commission on Appointments (CA) noong Hunyo 5.

“The new posting or place of assignment of an ambassador as well as the rank promotion of senior foreign service officers are both subject to CA confirmation,” ayon kay Pimentel, CA assistant minority leader sa isang kalatas.

Si Balatbat ay kasalukuyang Philippine ambassador to Lebanon at one-time executive director ng Office of Middle East and African Affairs ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Pumasok si Balatbat sa foreign service noong 1997.

Sa kasalukuyan, ang Philippine Embassy sa Riyadh ay pinamumunuan ni Dhargé d’Affaires Rommel Romato.

Sa kabilang dako, sinabi pa ni Pimentel na natanggap din ng CA ang appointment papers ni Commodore Francisco Tagamolila Jr., na na-promote sa ranggong rear admiral.

Si Tagamolila ang bagong pinuno ng Naval Forces Western Mindanao na naka-base sa Zamboanga City.

Gayundin, kinumpirma ni Pimentel na natanggap na ng CA ang bagong appointment papers ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, na na-bypass noong nakaraang buwan.

“The CA won’t be able to act on any new nominations or appointments until mid or late August at the earliest,” wika ni Pimentel.

Ang Kongreso ay nag-adjourn noong Mayo 25 at magpapatuloy ang sesyon sa Hulyo 22. Kris Jose