TINITINGNAN ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) kung ang mga di umano’y “big boss” ng sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga ay kabilang sa mga indibiduwal na ayaw tukuyin ng sinibak na Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa congressional hearings.
“Ang tinitignan namin baka ito ‘yung isa sa ayaw niyang banggitin kasi alam niya nandito pa ito [sa Pilipinas],” ang sinabi ni PAOCC Executive Director Gilbert Cruz sa isang panayam.
“Ang madalas naman kasi na binabanggit ni Alice sa mga hearings, ito ‘yung mga wala na sa atin, ‘yung mga nasa abroad,” ang sinabi pa ni Cruz.
Ang di umano’y ‘big boss’ na si Lyu Dong, kilala rin bilang Boss Boga, Boss Apao, at Boss Bahaw ay inaresto, Huwebes ng gabi sa isang residential subdivision sa Laguna.
Ang pag-aresto kay Dong ay bunsod ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Immigration, Department of Justice, Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at Inter-Agency Council Against Trafficking.
Tinuran pa ni Cruz na maaaring bansagan si Dong bilang “kingpin of POGOs” sa Pilipinas. Dumating si Dong sa bansa noong 2016 at kagyat na nakapagtayo ng iba’t ibang POGOs sa Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, at Metro Manila.
“Marami siyang itinayong mga POGO at tinitignan natin ‘yung involvement niya,” anito pa rin.
May Ilan aniyang POGOs na itinayo ni Dong ang pinaniniwalang nananatiling nago-operate.
Tinuran ni Cruz na isa si Dong sa mga indibiduwal na pinangalanan nang ikasa ng task force ang search warrant para sa Lucky South 99, ang sinalakay na POGO hub sa Porac. Sinabi ni Cruz na walong buwan na nilang pinaghahanap si Dong.
“Nung hinahanap nga namin ito, gumagamit din ito ng chopper kaya nahihirapan kaming sundan itong si Lyu Dong,” aniya pa rin.
Ani Cruz, itse- check nila sa Chinese Embassy kung sangkot si Dong sa ibang krimen sa Tsina.
Samantala, I-tse check din ng PAOCC kung ang siyam na Filipino na kasama ni Dong ay ipagsasakdal din.
“Doon sa mga previous surveillance namin talagang nakikita namin how they secure itong si Lyu Dong. Talagang sine-secure nila ‘yan,” ang sinabi ni Cruz.
“Actually, may mga sweeper pa sila, mga naka-motor, doon sa mga videos na nakita namin na talagang nakatingin sa paligid bago siya lumabas,” aniya pa rin.
Samantala, si Guo ay sinampahan ng qualified human trafficking case sa regional trial court (RTC), graft case sa Valenzuela court. Nahaharap din si Guo sa tax evasion complaint, 87 counts para sa money laundering, at perjury at falsification complaint sa DOJ.
Isang quo warranto petition naman ang inihain ni Guo sa Manila court, at petition to cancel ang kanyang birth certificate sa Tarlac court. Kris Jose