Home NATIONWIDE PAOCC nakatanggap ng death threats sa imbestigasyon sa ilegal na POGO

PAOCC nakatanggap ng death threats sa imbestigasyon sa ilegal na POGO

MANILA, Philip[pines- Sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na may ilang tauhan nito ang nakatanggap ng death threats sa gitna ng imbestigasyon sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hubs.

“Well opo, kami ay nakakatanggap ng ilang mga pagbabanta. Pero siguro po naman ay ‘yun ay mga pananakot lamang,” ayon kay PAOCC spokesperson Winston John Casio sa isang panayam.

Dahil dito, sinabi ni Casio na lagi silang nakabantay sa anumang maaaring mangyari.

“We have to be careful, so to speak, mahirap na po,” ang pahayag ni Casio.

Ang PAOCC ang nasa likod ng kamakailan lamang na mga pangunahing pagsalakay sa POGO hubs na sangkot sa criminal activities, kabilang na iyong nasa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.

Ito ang naging daan para mailigtas ang daan-daang mga Filipino at foreign nationals, kabilang na ang Chinese, Malaysians, at Vietnamese. Ilan sa mga ito ay tinortyur at kidnap victims.

May ilan namang dayuhan ang inaresto matapos ang pagsalakay.

Gayunman, binigyang-diin ni Casio na ang PAOCC ay isang civilian agency, at ang mga tauhan nito ay analysts lamang at karaniwan ay hindi gumagamit ng armas sa pagsasagawa ng operasyon ng pagsalakay.

“Bagama’t meron kaming mangilan-ngilang mga pulis na kasamang aktibo, ito po ay mga intelligence officers lamang. At karamihan sa amin ay mga civilian ho talaga kami, mga analysts. Ang aming trabaho ay tumingin sa mga datos, pag-aralan, at gumawa ng mga rekomendasyon,” ayon kay Casio.

“Itong mga nagagawa namin nung nakaraan na mga raids, mostly coordination lang ang ginagawa namin–management do’n sa kaso to make sure na ang kaso ay laging above board at maayos at ng sa gayon ay masampahan natin ng maayos na kaso ‘yung mga nasa likod nito,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ng PAOCC na mayroong 300 POGO ang ilegal na nag-ooperate sa bansa, mas nais ng mga ito na hindi ma-regulate ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR). Kris Jose