MANILA, Philippines – Ayon sa Malakanyang, okay lamang sa kanila na magsampa ng kaso ang dating Senate witness na si Michael Maurillo alyas Rene matapos aminin na inimpluwensiyahan lamang siya ni Senador Risa Hontiveros na tumestigo laban kay Vice-President Sara Duterte, kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte, at sa nakaditineng si pastor Apollo Quiboloy.
Hiningan ng reaksyon si Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang hinggil sa naging panawagan ni alyas Rene.
”If there will be a complaint filed by Michael Maurilio, it is better for him to file charges, if there are issues, regarding alleged fake witnesses. Because, through a case, through a trial, and through a cross-examination, we will know the truth,” ang snabi ni Castro.
”Ang trial importante para malaman ang katotohanan kung may anomalya ba. Hindi dapat nagdi-dismiss ang kaso lamang through technicalities. So, mas maganda makapag-file ng case si Michael Maurilio…malaman kung siya ba’y nagsasabi nang totoo o hindi,” dagdag na wika nito.
Nauna rito, tinanong si VP Sara at hiningan ng reaksyon ukol sa ginawang pagbawi ni alyas Rene sa kanyang mga naging testimonya laban sa Pangalawang Pangulo ng bansa.
“That is a very serious accusation and it should be answered clearly kung ano ba talaga ang nangyari,” ayon kay VP Sara.
“Kung sa tingin ni alias Rene na dapat siya ay dapat mag-file din ng kaso, ay dapat na gawin niya din ‘yun para nasasabi niya ‘yung totoo sa loob ng korte at nakakasagot din ang maayos ‘yung mga akusado sa loob din ng korte,” dagdag na wika nito.
Bahagi ng kanyang rekantasyon, gumawa ng ingay sa social media si alyas “Rene” na nagpakilalang binayaran daw ni Sen. Risa Hontiveros upang tumestigo sa Senado laban kina VP Sara, Digong Duterte at Quiboloy.
“Nabasa ko na ‘yung affidavit niya bago pa man siya lumabas publicly. In fact, mayroong mga nakalagay doon na nakasama niya ang mga witnesses kuno ng ICC doon sa isang bahay kung saan siya pinatira ni Senator Hontiveros,” ayon kay VP Sara.
Sinabi pa ni VP Sara na ang di umano’y ‘false testimony’ ay dapat na maging ’cause of concern.’
“In fact, sinabihan ko din ang lawyer ni President Duterte noon na mayroon nga gan’un na statement ‘yung witness against Pastor Quiboloy na ngayon ay nagsasabi na hindi totoo ‘yung mga sinabi niya. Sinabi niya na nakasama niya sa tirahan ang mga witnesses ng ICC,” ani VP Sara.
Samantala, kaagad namang niresbakan ni Hontiveros si alyas Rene, sa katunayan ay naghain ito ng reklamong cyber libel laban kay alyas Rene kaugnay ng mga ibinunyag nito laban sa kanya.
Inilapag din ng senadora ang mismong draft daw ng affidavit ni alyas Rene na nagsabing may kaugnayan daw sina Digong Duterte at VP Sara kay Quiboloy. /Kris Jose