Home METRO Social pension mananatiling P1,000 – DSWD

Social pension mananatiling P1,000 – DSWD

321
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang buwanang Social Pension for Indigent Senior Citizens (SPISC) ay nananatili sa P1,000 bawat benepisyaryo ayon sa mandato ng Republic Act No. 11916 na kilala rin bilang “An Act Increasing the Social Pension of Senior Citizens,” sabi ng isang opisyal ng DSWD noong Huwebes, Hulyo 10.

Kaugnay nito ibinasura ni Asst Secretary Irene Dumlao, na siya ring tagapagsalita ng DSWD, bilang “fake news” ang sirkulasyon ng isang online na artikulo na nagsasabing opisyal na inaprubahan ng DSWD ang pagtaas sa Php1,500 kada buwan simula Hulyo 2025.

“Sa ngayon, ang opisyal na halaga ng social pension ayon sa batas ay Php1,000 kada buwan. Kakailanganin ng bagong batas kung ito man ay magkakaroon ng dagdag sa monthly pension. Ilalathala din ito ng DSWD sa mga opisyal na communication channels kung may magbabago sa halaga ng social pension,” sabi ni Asst Secretary Dumlao .

Sinabi ng opisyal ng DSWD na ang Php1,000 subsidy ay ipinamamahagi sa mga benepisyaryo sa buwanan, bi-buwan, o quarterly.

Samantala ang SPISC ay isang programang ipinatutupad ng DSWD na nagbibigay ng buwanang tulong pinansyal sa mga kwalipikadong mahihirap na nakatatanda na may edad 60 taong gulang pataas na mahina, may sakit, o may kapansanan, at walang regular na pinagkukunan ng kita, pensiyon, o suporta mula sa mga miyembro ng pamilya.

Ang buwanang Php1,000 na tulong ay inilaan upang suportahan ang mga matatanda sa kanilang pang-araw-araw na kabuhayan at mga pangangailangang medikal, lalo na sa pagkain at gamot.

“Patuloy po ang ating pagtutok sa kapakanan ng ating mga nakatatanda. Kaya hinihikayat natin ang publiko na huwag basta-basta maniwala sa mga hindi opisyal na ulat. Siguraduhing galing sa DSWD, sa aming mga Field Offices, o sa mga opisyal ng ahensya ng pamahalaan ang mga impormasyon,” dagdag pa ng opisyal ng DSWD. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here