Pinangunahan ni Senate Majority Leader Francis 'Tol' Tolentino ang pamamahagi ng food packs sa mga residenteng apektado ng kalamidad sa Naga City. Ang Vllogger na si Whamos Cruz at ang anak ng senador na si Tagaytay City Councilor Francis Michael 'Micko' Tolentino ay nakiisa rin sa relief operations sa Albay at Camarines Sur nitong weekend.
MANILA, Philippines- Iginiit ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang agarang pagpapaunlad ng aquaculture para sa produksyon ng tamban (sardinas) upang matiyak ang supply ng tinatawag niyang “pinakamahalagang isda” sa bansa, lalo sa panahon ng mga sakuna.
Sinabi ni Tolentino sa kanyang programang ‘Usapang Tol’ sa DWIZ na sa loob ng tatlong taon, ay hinihimok niya ang Department of Science and Technology (DOST) at Department of Agriculture (DA) na magtulungan para mapaunlad ang aquaculture production para sa tamban at may badyet na inilaan para sa programang ito, ngunit wala pa ito hanggang ngayon.
Idinagdag niya na habang ang sardinas ay itinuturing na “pinakaimportanteng isda” para sa mga Pilipino, dahil ang de-latang sardinas ay palaging bahagi ng emergency food packs na ibinibigay sa mga biktima ng kalamidad, ang bansa ay talagang hindi makagawa ng mga species ng isda sa buong taon.
Sa katunayan, sinabi niya na ang taunang three-month ban sa sardine fishing ay magsisimula sa Nobyembre 15 ng taong ito at magpapatuloy sa Pebrero sa susunod na taon.
“If we could boost sardines production through aquaculture, then this will greatly help in ensuring domestic supply, and even bring down the price of this important commodity,” idiniin ng senador.
Muling iginiit ni Tolentino ang kanyang panukala nang tanungin kung sa palagay niya ay dapat maglagay ng karagdagang production hub para sa emergency food packs sa mas maraming rehiyon kasunod ng problema sa logistic na nararanasan ng relief efforts sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Kristine sa Bicol bunga ng mga pinsala sa mga tulay at sa bahagi ng kahabaan ng Maharlika Highway.
“Maaari tayong maglagay ng mas maraming hub at bodega pero kung wala tayong sapat na suplay ng sardinas, ano ang ibibigay natin sa mga biktima ng kalamidad? We have to think long term for disaster relief and food security,” aniya.
Si Tolentino at ang kanyang pangkat ay nagtungo sa iba’t ibang lugar na sinalanta ng bagyo sa Bicol noong weekend upang mamahagi ng relief packs sa libu-libong apektadong residente.
Kabilang sa mga lugar na binisita ng Team TOL ang Jovellar, Polangui, Libon sa Albay; Buhi at Nabua sa Camarines Sur; Naga City at Milaor, Camarines Sur noong Nobyembre 3.
Sumama sa relief operations ang anak ng senador na si Tagaytay City Councilor Francis Michael ‘Micko’ Tolentino, gayundin ang vlogger na si Whamos Cruz. RNT