Home OPINION PARAISO NG MGA NAMAYAPA GINAWANG KALAKALAN NG DROGA

PARAISO NG MGA NAMAYAPA GINAWANG KALAKALAN NG DROGA

151
0

ILANG impormante ng PAKUROT ang nagbalita, mga kapatid na Jocelyn Tabangcura at Ludy Bermudo, na sa halip na maging paraiso ng mga namayapa ang Manila North Cemetery ay nagiging palengke ito ng droga.

Nangyayari ang abutan ng bawal na gamot hind isa hindi sa eskinita o madilim na kanto, kundi sa mismong lugar na dapat ay tahimik at sagrado para sa mga yumaong mahal natin sa buhay. Ito ang masakit na katotohanang habang nagluluksa ang ilan, may iilang patuloy na nagkakalakal ng ipinagbabawal na substansiya sa loob ng himlayan ng mga patay.

Ayon sa impormante, lantaran ang transaksyon kung saan may mga nagbabantay, may mga runner, at may mga suki. Syempre, hindi ito umano batid ng Manila Police District lalo na ang nakasasakop na Blumentritt Police Precinct.

Sinabi ng impormante na patuloy na malaya ang galaw ng droga sa MNC dahil naging organisado na ito at hindi na simpleng aksidente nang bilihan. Protektado ito umano ng ilang mga bantay-salakay este security force ng sementeryo.

May mga pagkakataon umano na kapag ang nagbenta ay hindi mismong taga-loob ng sementeryo, kaagad na “tiniklo” ng mga garapal na miyembro ng security force ng nasabing libingan at kinotongan. Ibig sabihin, pinakawalan din matapos sumuka ng salapi.

Ang lehitimong tagasementeryo naman ay may toka na sa mga makakapal ang mukhang guwardiya ng libingan.

Minsan, may nag-upload sa Facebook ng mga kalokohang nagaganap sa loob ng sementeryo, kaya lang hindi umabot ng isang araw ang post dahil mabilis na tinanggal sapagkat pinuntahan ang nag-upload ng mga sangganong bantay at tinakot pati pamilya nila. O di ba ang babagsik nila?

Nakababahala na tuloy dahil ang sementeryo ay hindi lamang lugar ng pagluluksa kundi espasyong pinupuntahan ng mga pamilya para sa katahimikan at kapag nagtuloy-tuloy na naging pugad ito ng bentahan ng droga, nalalagay sa panganib ang kaligtasan at kaayusan ng publiko. Sa halip na katahimikan, may takot. Sa halip na paggunita, may pangamba.

Hindi na pwedeng ipagwalang -bahala ang ganitong sitwasyon. Ang MNC ay nasa loob ng hurisdiksyon ng pamahalaang lungsod at mga awtoridad sa pulisya. Kung may ulat ng talamak na bentahan, nararapat lamang ang mas maigting na presensiya, masusing imbestigasyon at konkretong aksiyon. Hindi sapat ang paminsang operasyon kung pagkatapos ay babalik din sa dati ang kalakaran.

Hindi dapat maging kanlungan at kalakalan ng bisyo ang MNC sapagkat ito ay sagradong lugar at kailangan dito ang katahimikan at paggalang sa mga namayapa.

Teka lang, paano nakapapasok at nakapagtitinda ang mga sangkot sa loob ng sementeryo kung may seguridad at pamamahala roon? May kakulangan ba sa pagbabantay o may mga nakapikit? Ito ang kailangang sagutin ng pamunuan ng MNC.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here