MANILA, Philippines – Tatlong katao, kabilang ang isang pulis, ang nasawi sa magkaibang aksidente sa kalsada sa Bukidnon at South Cotabato.
Sa Maramag, Bukidnon, nasawi si Police Corporal Windyl Jay Camay matapos mawalan ng kontrol ang kanyang sasakyan at bumangga sa puno habang patungo sa bayan ng Don Carlos. Dinala siya sa ospital ngunit binawian ng buhay makalipas ang ilang oras dahil sa malubhang pinsala.
Samantala, sa Polomolok, South Cotabato, dalawang lalaki ang nasawi matapos bumangga ang kanilang motorsiklo sa isang minivan na lumiliko pakaliwa sa kahabaan ng national highway sa Barangay Magsaysay. Isa ang agad na namatay sa lugar, habang ang isa ay binawian ng buhay sa ospital. Nasunog din ang kanilang motorsiklo matapos ang banggaan.
Hindi nasaktan ang 51-anyos na drayber ng minivan, na nakipagpulong na sa pamilya ng mga biktima para sa posibleng ayusin na kasunduan. Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa mga motorista na mag-ingat at manatiling alerto sa daan. RNT