MANILA, Philippines – Ipinatawag ng Department of Transportation (DOTr) ang driver ng puting Philippine National Police (PNP) van matapos itong umiwas sa mga enforcer sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) busway nitong Miyerkules, May 8.
Inutusan ng DOTr ang Land Transportation Office (LTO) na maglabas ng show cause order sa hindi pa nakikilalang driver ng van.
Ang driver ay na-flag down ng mga enforcer ng DOTr’s Special Action Intelligence Committee for Transportation (SAICT) dahil sa ilegal na pagdaan sa EDSA busway sa northbound side ng Ortigas station.
“Hindi pinansin ng driver ng nasabing PNP van ang dalawang operatiba ng Special Operations Unit (SOU) at kumaripas ng takbo patungo sa northbound na bahagi ng busway station,” ayon sa DOTr.
Sa kabilang banda sinabi naman ng Philippine National Police (PNP) na tinanggal na sa puwesto ang pulis.
Sa press briefing sa Camp Crame, Quezon City nitong Huwebes, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na ang nagkasalang opisyal ay napag-alamang mula sa Police Regional Office (PRO) 10 (Northern Mindanao).
“Nakipag-usap ako sa regional director ng PRO 10 at siya ay na-relieve at mahaharap sa mga kasong administratibo dahil sa hindi pagsunod sa mga partikular na tagubilin na nagbabawal sa pagdaan ng anumang may markang sasakyan sa EDSA bus lane,” sabi ni Fajardo.
Noong 2023, sinimulan ng DOTr, mga line agencies nito, at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagsugpo sa iligal na paggamit ng EDSA busway ng mga sibilyang motorista at opisyal ng gobyerno.
Bukod sa mga bus at mga sasakyang pang-emergency na tumutugon, tanging mga sasakyan lamang ng mga nangungunang opisyal sa bansa ang pinapayagang gumamit ng busway — ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, Pangulo ng Senado, Tagapagsalita ng Kapulungan ng mga Kinatawan, at Punong Mahistrado ng Kataas-taasang Korte. Santi Celario