Home NATIONWIDE DOLE sa publiko: TUPAD bilang scholarship grant, fake news!

DOLE sa publiko: TUPAD bilang scholarship grant, fake news!

MANILA, Philippines – Nagbigay ng babala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa publiko laban sa mga manggagantyo na gumagamit ng Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program ng departamento para lituhin ang publiko at magpakalat ng fake news.

Sa isang panayam sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na nakita niya ang ilang mga post sa social media na nagsasabing mamimigay ang DOLE mula P6,000 hanggang P10,000 kung mag-aplay sila sa programa.

Sinabi ni Laguesma na ang TUPAD program ay hindi isang scholarship grant program, ngunit isang temporary employment assistance program para sa mga indibidwal na 18 taong gulang pataas.

“Maraming naka-post sa social media na nag-aadvertise daw ang DOLE na pwede kang mag-apply kung ikaw ay nag-aaral at meron ka, yung tatay mo, or whatever, na pag nag apply ka online pwede kang makakauha ng PHP6K, PHP8K, o PHP10K. Wala pong ganitong klaseng advertisement ang Department of Labor and Employment,” anang kalihim

“Ang TUPAD po ay hindi po scholarship program, ito po ay temporary employment assistance, at ito ay pinag tatrabahuan, hindi ito dole out, hindi ipinamimigay na walang ginagawa, at may proseso bago ka maging benepisyaryo ng TUPAD, nakalagay yan sa panuntunan,” dagdag pa niya.

Noong Martes, naglabas ang DOLE ng babala laban sa mga post na kumakalat sa Facebook mula sa isang partikular na Facebook page ng “Philippines Scholarship” sa TUPAD Program ng departamento.

Para sa anumang alalahanin, maaaring tumawag ang publiko sa DOLE Hotline 1349, o pumunta sa pinakamalapit na opisina ng DOLE sa kanilang lugar.

Ang iba pang anunsyo at mahalagang impormasyon ay maaari ding ma-access sa pamamagitan ng opisyal na website ng DOLE https://www.dole.gov.ph/key-officials/. Santi Celario