Home NATIONWIDE Parak na idinawit sa pagpatay sa Tanauan mayor ikinulong sa Kamara

Parak na idinawit sa pagpatay sa Tanauan mayor ikinulong sa Kamara

MANILA, Philippines — Pinatawan ng contempt ng quad committee ng House of Representatives si Police Major Kenneth Albotra at ipinag-utos ang kanyang detensyon sa loob ng kamara dahil sa diumano’y pagsisinungaling sa harap ng mga mambabatas.

Ginawa ni Abang Lingkod Party-list Rep. Stephen Paduano ang mosyon para i-contempt si Albotra nitong Martes, dahil sa paglabag ng huli sa Sec. 11 talata C ng mga tuntunin ng pamamaraan ng Kamara na namamahala sa pagtatanong bilang tulong sa batas.

Walang tumutol sa mosyon ni Paduano. Agad itong inaprubahan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na nagsisilbing pangkalahatang tagapangulo ng komite.

Inimbitahan si Albotra sa public hearing matapos siyang ma-tag sa mga pagpatay kina Tanauan mayor Antonio Halili at Los Baños mayor Caesar Perez.

Sa nasabi ring pagdinig, itinanggi ni Albotra ang umano’y pagyayabang niya kay retired police colonel Royina Garma tungkol sa pagkakasangkot nito sa pagpatay kay Tanauan, Batangas mayor Antonio Halili.

Ilang beses na itinanggi ni Albotra sa nasabing pagdinig na binanggit niya kay Garma na bahagi siya ng isang team na pumatay kay Halili noong Hulyo 2, 2018.

Matatandaang kinumpirma ni Garma na si Albotra ang opisyal na nakilala niya sa Cebu. Kinumpirma rin ni Albotra kay Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez na nakipagpulong siya kay Garma noong Hulyo 3 hanggang 4, 2018, pero para daw ito sa courtesy call.

“I remember Mr. Chair, that was Monday, ‘yon po ay assumption of office ni Ma’am Garma kaya pumunta po ako do’n, pero hindi po kami nakapag-usap kasi marami pong tao. At saka pagkatapos po ng assumption niya diretso po siya sa conference room,” ani Albotra. RNT