Home METRO Parak swak sa selda sa droga

Parak swak sa selda sa droga

MANILA, Philippines- Nadakip ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Linggo ang kanilang kabaro sa isang drug buy-bust operation sa Parañaque City.

Kinilala ni NCRPO Director Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang suspek na si Cpl. Neil Bagunu, 31, kasalukuyang nakatalaga sa National Police Training Institute (NPTI).

Naaresto siya sa Purok-2 Formost Street sa Barangay BF Homes, Parañaque City matapos tanggapin ang marked at boodle money mula sa isang poseur buyer bilang bayad para sa shabu bandang alas-2:30 ng madaling araw nitong Linggo.

Sinabi ni Nartatez na nasabat ng mga operatiba ang drug paraphernalia na nagkakahalaga ng P136,000 at isang .45- caliber pistol.

Dinala umano ang nasabing pulis sa Paranaque Police Station upang maharap sa criminal at administrative charges.

Inihayag niyang mahigit 500 pulis sa Metro Manila ang natanggal sa serbisyo bilang bahagi ng internal cleansing ng NCRPO mula Hunyo noong nakaraang taon.

Samantala, naharang ng mga awtoridad ang shipment na naglalaman ng 3,742 piraso ng tabletas na hinihinalang ecstasy na nagkakahalaga ng P6.3 milyon sa Pasay City noong Biyernes.

Sinabi ni Philippine National Police Drug Enforcement Group chief Brig. Gen. Eleazar Matta noong Sabado na idineklara ang shipment na “shoe rack” na ipinadala ni Lambert Louis ng Antwerp, Belgium, kung saan isang Maritoni Bacanoy Macainan ang nakatakdang tumanggap nito sa Central Mail Exchange Center (CMEC), Domestic Road, Pasay City.

Ayon kay Matta, itinurn-over ang mga tabletas sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa wastong disposisyon at paghahain ng kaso laban sa mga sangkot sa illegal shipment.

Isinagawa ang operasyon sa pagtutulungan ng PDEA at ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group. RNT/SA