Home METRO Nene ginahasa ng sariling ama, 2 kapatid

Nene ginahasa ng sariling ama, 2 kapatid

CAUAYAN CITY, Isabela – Bumagsak na sa kamay ng alagad ng batas ang mag-aama kabilang ang isang menor de edad matapos gahasain ang kanilang sariling kapamilya sa Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Sa ipinarating na ulat kay PCol. Lee Allen B. Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO ang akusado ay si alyas “Balong,” labing anim na taong gulang, isang out of school youth, residente ng nabanggit na lugar, at tinaguriang no. 9 most wanted person provincial level sa kasong statutory rape.

Habang ang kanyang ama ay si alyas Bert na kapwa residente sa naturang lungsod.

Ayon sa ama, nauna na siyang sinampahan ng kaso ngunit pinabulaanan niya ang paratang sa kanya dahil malinis aniya ang kanyang konsensya.

Bilang ama aniya ay masakit makita na nagkakagulo ang kaniyang mga anak dahil kapwa niya anak ang biktima at dalawa pang akusado.

Nagulat na lamang aniya sila nang malaman na buntis ang kanyang labindalawang taong gulang na anak na babae at hindi umano nila matiyak kung sino sa kanyang dalawang anak na lalaki ang nakabuntis.

Hindi rin naman aniya makausap ng maayos ang mga anak niyang akusado kaugnay sa panggagahasa.

Kaugnay nito, ang akusadong si alyas Balong ay nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station kasama ang kanyang ama at kapatid na kapwa naakusahan ng kasong rape.

Matagumpay na naaresto si Balong sa bisa ng mandamiyento de aresto na inisyu ng hukom sa kasong 3 counts ng Rape na walang pyansang inirerekomenda para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Ang tatlong mag- ama ay posibleng mabulok na sa kulungan dahil sa parehas na walang inirekomendang piyansa sa kanilang paglaya. Rey Velasco