Bulacan – Dead on arrival sa ospital ang isang pulis matapos aksidenteng makasalpukan ang kapwa motorcycle rider sa bayan ng Hagonoy nitong tanghali ng Enero 1.
Kinilala ang kalunos-lunos na biktima na si Patrolman Reniel Dela Mines, 27, may asawa, nakatalaga sa Malolos Police Station at residente ng Brgy. Carillo.
Sa report ng Hagonoy Police Station, naganap ang insidente bandang 12:30 ng tanghali sa Brgy. Iba.
Ayon sa report, isang tawag sa cellphone mula sa Brgy. Iba ang natanggap ng istasyon na nagsabing may nangyaring vehicular accident sa kanilang lugar.
Dahil dito, agad rumesponde ang mga pulis ng nasabing istasyon at nag-imbestiga sa lugar kasabay ng pagdating ng Hagonoy Rescue.
Ayon sa imbestigasyon, habang binabagtas ng biktima, lulan ng Suzuki FU150MFX, ang northbound patungong Malolos proper, ay “kinain” ang kanyang linya ng kasalubong na rider na sakay ng Honda Beat kaya sila nagsalpukan.
Dahil dito, nagtamo ng matinding sugat sa ulo ang biktima at duguang dinala sa Bulacan Medical Center subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Samantala, ang suspek na si alyas “Ed,” 21, binata, construction worker at residente ng Brgy. Iba o Este, Calumpit, ay nasa kustodiya ng istasyon at nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, paglabag sa R.A. 4136 (Driving Without License) at R.A. 10054 (Driving Without Helmet).
Kaugnay nito, ang buong Kapulisan ng Malolos ay lubos na nagdadalamhati sa pagpasok ng taon dahil sa biglaang pagpapanaw ng isang huwaran, may dedikasyon sa tungkulin, at napakabuting alagad ng batas na si Patrolman Dela Mines na binawian ng buhay bunsod ng aksidente.
Sinasabing ang kanyang paglisan ay isang malaking kawalan hindi lamang sa hanay ng kapulisan kundi maging sa mga mamamayan ng Malolos na kanyang buong pusong pinagsilbihan. (Dick Mirasol III)