Home NATIONWIDE Parang OA: P23B bagong Senate bldg., pinarerebyu ni Escudero

Parang OA: P23B bagong Senate bldg., pinarerebyu ni Escudero

MANILA, Philippines – Pinarerebyu ni Senate President Francis “Chiz” Escudero kay Senador Alan Peter Cayetano ng Senate committee on accounts ang pagpapatayo ng P23 bilyong halaga ng bagong gusali ng Senado katabi ng military camp sa Taguig City .

Sa kanyang speech sa ginanap na Monday flag ceremony sa Senado, sinabi ni Escudero na kailangan munang maghintay ng empleyado sa planong paglilipat sa bagong gusali habang nagsasagawa ng pagsusuri ang komite ni Cayetano.

Ayon kay Escudero, marami silang shocking discovery sa itinatayong gusali na tila isang bad news para sa lahat na umaasang magkakaroon ng sariling gusali ang Senado sa mga susunod na panahon.

“Hindi totooong makakalipat tayo sa bagong gusali, lupa, at building ng Setyembre. Hindi rin totoo na aabot tayo na makalipat bago matapos ang taon. Kahit hanggang 2025 sa palagay ko’y hindi pa rin dahil marami pang bagay na kailangang ihanda, at maraming bagay din na aming nakita at nagisnan na kailangan pang suriin at pag aralan,” aniya sa talumpati.

Iginiit ni Escudero na kailangan munang rebyuhin ang New Senate Building (NSB) matapos matuklasan ang kinakailangang pondo upang makumpleto ang konstruksiyon ng gusali.

“At nung nakita ko ito, medyo nagulantang, nagulat at hindi ko inaasahan na ganun kalaki aabutin ng gagastusin para sa ating magiging bagong tahanan,” ayon sa Senate chief

“Sa aking pananaw, masama ito sa panlasa ng karamihan lalo pa sa masang panlasa ng mas nakakarami nating kababayan lalo na sa gitna ng krisis sa ekonomiya at sa kahirapang nakikita ng marami sa ating mga kababayan,” dagdag niya.

Ipinaliwanag pa ni Escudero na umabot na sa P8.9 bilyon ang badyet na ginastos sa gusali pero lumobo ito sa P13 bilyon. Pero, kailangan pa ng panibagong P10 bilyon upang matapos at tuluyang makumpleto ang gusali.

Dahil dito, inatasan ni Escudero si Cayetano – hepe ng Senate committee on accounts – na isuspendi ang pagbabayad at kontruksiyon ng NSB habang nagsasagawa ng rebyu.

“Tama nga ba ang gastusing ‘yan? May paraan ba para mapabababa pa ‘yan?” he asked.

Nilinaw naman ni Escudero na wala itong ipinaparatang na nagkaroon ng iregularidad o anumang kuwestiyonableng insidente sa halaga na inilaan sa kontruksiyon ng NSB.

“Hindi kwestionable, na o-OA-yan lang ako,” he said. “Nakakagulat at masama [sa] panlasa na gagatos ng ganito kalaki ang Senado para sa aming magiging bagong tahanan at opisina,” aniya.

“Wala akong nakitang irregularity. Nagulantang lamang ako sa halaga. Hindi ba kagula-gulantang ang P13B? Eh ‘di mas nakakagulantang ang P23B para sa isang opisina lang,” the senator continued, responding to a reporter’s question.

“Ulitin ko, walang binibatawang akusasyon. Nais lamang namin malaman at alamin dahil hindi ba medyo marangya para sa panlasa din ninyo ang ganitong kalaking halaga para sa isang government building? Baka ang katumbas nito’y mga mamahaling building na at luxurious na makikita natin sa Makati at BGC,” giit ng senador. Ernie Reyes