KUNG tutuusin, pwede namang dumaan sa tamang proseso si Zaldy Co. May Senate hearings, may Independent Commission for Infrastructure pa nga na nag-iimbestiga sa bilyon-bilyong flood-control scam. Pwede siyang humarap in person, pwede rin sa Zoom — hindi sa biglaang social-media video na parang sinadya pang i-drop ilang araw bago ang rally ng isang religious group. Hindi ako nag-iisa sa pagdududa sa timing.
Kaya may punto si Sen. Leila de Lima nang sabihin niyang may kakaiba sa three-day “transparency rally” ng Iglesia ni Cristo. Bakit hiwalay pa ito sa massive Trillion Peso March last month kung tunay na transparency ang habol? Bakit parang may gustong hatiin ang momentum?
Ayon sa kanyang basa, minamatyagan ng military kung lalawak ba ang kilos-protesta — kung magiging critical mass na dadagsain ng ordinaryong Pilipino hanggang umabot sa milyon. Tinitingnan nila kung may lalim o tatagal ba beyond Day 3 ang sigla ng protesta.
At dito pumasok ang mas mabigat na hinala: na may nagkakalikot para patumbahin ang Marcos administration at iluklok ang Vice President. Alam naman natin ang long-standing ties ng INC sa mga Duterte. Kaya ang “call for transparency” na ito, sa totoo lang, parang naka-package na political operation — hindi civic outrage.
Sa gitna nito, biglang rampa si Co. Ang “revelations” niya, parang bala na ipinupukol para sa planong iyon — kung totoo ngang may plano. Pero kung iniisip niyang exoneration ang kahihinatnan ng paglusob niya sa Presidente, napaka-naïve niya. Kasi kung ang tapang niya ay para lamang magsilbi sa interes ng mga politikong matagal nang tinatanggihan ng bayan dahil sa anim na taong patayan at pang-aabuso, hindi siya mas naiiba sa inaakusahan niyang kampo.
Pinakaiinis pa, pinipilit ni Co ipinta ang sarili bilang biktima — “ginamit” daw ng Palasyo — samantalang sa dami ng testimonya noon, parang siya at si dating Speaker Martin Romualdez ang dynamic duo ng diumano’y pandarambong sa DPWH. Ngayon, bigla siyang hero?
At ito namang INC rally — parang perfect stage para sa political storm na inaasahang itatalsik ang Pangulo. Isinusulong daw nila ito bilang crusade laban sa katiwalian. Pero sino ang ipapalit? Ito ang dahilan kung bakit maraming Pilipino, kahit dismayado kay Marcos Jr., ay hindi agad nagpatatali sa ideya ng “resign.” Hindi dahil gusto siyang protektahan hanggang 2028, kundi dahil ang kapalit ay baka mas madilim pa.
Hangga’t hindi naglalabas ng konkretong ebidensya si Co — kasama na iyong magpapainkrimina sa sarili at sa totoong utak ng operasyon — monologo lang ang meron tayo. Monologong may sariling political agenda.
Kaya ang panawagan ko, mula sa gilid na ito ng protesta pero umaabot sana hanggang sa poder: tunay na reporma, tunay na anti-corruption. Kulay yellow, pink, red, green — kahit ano pang kulay — ikulong ang tunay na may sala.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).






