MANILA, Philippines – Dapat ay harapin ni Vice President Sara Duterte ang mga gusot at hindi pagkakaunawaan nang may respeto at dignidad, sinabi ng isang pari nitong Sabado, Oktubre 19.
Ayon kay Fr. Joel Saballa ng Diocese of Novaliches, itinuturo ng Simbahang Katolika ang kahalagahan ng pagpapakita ng respeto sa buhay.
“It is important to approach statements that involve desecration of human remains with reverence and respect, especially in the context of Catholic teachings on the dignity of the deceased and the sanctity of life,” sinabi ni Fr. Saballa sa panayam ng Veritas.
“It is essential to remember that even individuals with whom we may have disagreements or conflicts deserve to be treated with dignity and respect, both in life and in death,” dagdag pa ng pari.
Ito ay kasunod ng sinabi ni Duterte sa isang press conference kung saan sinabi nitong nais niyang hukayin ang labi ni Ferdinand Marcos Sr. mula sa Libingan ng mga Bayani at itapon ito sa West Philippine Sea kung magpapatuloy ang mga pag-atake sa kanya mula sa kasalukuyang administrasyon.
Tinanong ni Sara kay Senador Imee Marcos kung nakalimutan na ba nito na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pumayag na ilipat ang labi ni Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani noong 2016.
Bukod sa pari, umani rin ng samu’t saring batikos mula sa mga mambabatas ang naging pahayag ni Duterte patungkol sa Pangulo. RNT/JGC