MANILA, Philippines – Patay ang 38-anyos na negosyante matapos makuryente sa nakalaylay na kable ng kuryente habang nagmomotorsiklo sa Barangay 4, Isabela, Negros Occidental nitong Huwebes ng gabi, Oktubre 17.
Kinilala ni Police Major Ellendie Rebusquillo, municipal police chief, ang biktima na si Rodolfo Parparan ng Barangay 2, sa bayan ng Isabela.
Ani Rebusquillo, naputol ang kable ng kuryente mula sa isang poste nang dumaan ang trak na kargado ng mga tubo, na kalaunan ay bumagsak naman sa biktima.
Bigong mapansin ng drayber ng trak ang insidente at nagpatuloy pa rin sa pagmamaneho.
Nadiskubre na lamang ng mga residente ang biktima sa kalsada, at agad na dinala sa ospital ngunit idineklarang patay.
Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang drayber ng trak. RNT/JGC