Home METRO Parokya sa NegOcc ikinandado

Parokya sa NegOcc ikinandado

MANILA, Philippines- Pansamantalang isinara ang San Isidro Labrador Parish Church sa Binalbagan, Negros Occidental matapos ang paninira at paglapastangan sa ilang religious items.

Sinabi ni Diocese of Kabankalan Bishop Louie Galbines na ang mga imahe ni St. Joseph, San Isidro Labrador –ang patron ng Parokya, Immaculate Conception, ay bahagyang nasira maging ang dalawang anghel at ang krus.

Ayon sa obispo, ang hindi magandang pangyayaring ito ay lumikha ng napakasakit na epekto sa pananampalataya at damdamin ng lahat ng mga Katoliko sa Binalbagan.

Binanggit din ng obispo na ang pansamantalang pagsasara ay makatutulong sa paggaling ng isipan at puso ng mga mananampalataya dahil sa hindi inaasahang pangyayari.

Sa isang misa bandang alas-6:30 ng umaga noong Miyerkules, isang lalaki ang naghalughog at nilapastangan ang ilang relihiyosong imahen at mga bagay sa simbahan.

Iniulat ng Catholic prelate na ang suspek, na kinilalang si Rolly Semira, ay nasa kustodiya na ngayon ng pulisya at kakasuhan ng malicious mischief, alarm and scandal at interruption of religious worship. Jocelyn Tabangcura-Domenden