MANILA, Philippines – Naghain si Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III ng panukalang naglalayong amyendahan ang umiiral na Party-List System Act o Republic Act No. 7941, upang maiayon ang sistema sa orihinal nitong layunin sa ilalim ng 1987 Constitution.
Binanggit ni Sotto na sa paglipas ng mga taon, pinalawak ng interpretasyon ng batas sa party-list ang kwalipikasyon nito at nalihis sa layunin ng mga bumubuo ng 1987 Constitution, na tunay na kumatawan sa marginalized at underrepresented.
“The party-list system has also been abused and used as a vehicle to pursue advocacies that are not for the best interest of the government,” saad ni Sotto.
Sa paghahain ng Senate Bill No. 192, hinahangad ni Sotto na magbalangkas ng mga karagdagang batayan para sa pagkansela ng pagpaparehistro ng mga party-list group, kabilang ang kabiguan na kumatawan sa mga marginalized at underrepresented na sektor, mga pagkakataon kung saan ang mga miyembro o nominado ay hindi kabilang sa mga sektor na ito, direkta o hindi direktang pakikilahok sa mga gawaing nakapipinsala sa interes ng gobyerno, pagtigil sa pagiging isang materyal na marginalized na sektor, at walang maling pagrepresenta sa sektor.
Binanggit ni Sotto na ang paglihis sa tunay na mandato ng party-list system ay lumikha din ng higit na hindi pagkakapantay-pantay, ang napakasamang hinahangad na pigilan ng mga bumubuo ng Konstitusyon.
“Amid the many issues hounding government officials, it is high time to revisit the true purpose of the party-list system, whether these groups are genuinely representing the marginalized, or merely hiding behind the guise of doing so for personal or political gain,” aniya.
Kapag naisabatas, sinabi ni Sotto na tiwala siya na ang panukala ay magpapalakas sa integridad ng party-list system, na tinitiyak na natutupad nito ang layunin nito, na iangat ang boses ng mga marginalized at underrepresented sa lipunang Pilipino. RNT/MND