Home METRO Pasahero nasabat sa pantalan sa marijuana na itinago sa wrapper ng biskwit

Pasahero nasabat sa pantalan sa marijuana na itinago sa wrapper ng biskwit

MANILA, Philippines – Nasamsam sa isang menor de edad na pasahero ang dalawang sachet ng hinihinalang marijuana sa Port of Masbate nitong Miyerkules, Pebrero 7, 2024.

Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), ito ay dahil sa mahigpit na magpapatupad ng protocol upang masiguro na hindi makakalusot ang illegal na droga sa mga pantalan na nasa ilalim ng pamamahala ng aheasya.

Pasakay ang 17-anyos na pasahero patungo sa Pio Duran sa Albay nang makita sa baggage scanner ang hinihinalang marijuana na nakabalot sa plastic ng biscuit.

Agad na rumesponde ang Port Police Division sa koordinasyon ng mga kawani ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Masbate City Police, at City Social Welfare and Development (CSWD). Kasama din ang ilang kawani ng barangay at City Prosecutor’s Office bilang witness sa imbestigation.

Dinala ang menor de edad at ang nasabat na hinihinalang marijuana sa tanggapan ng Masbate City Police, kasama ang mga kawani ng CSWD.

Sa pamumuno ni PPA General Manager Jay Santiago katuwang ang PDEA, mas pinaigting ang mga hakbang para labanan ang illegal na droga sa mga pantalan sa buong bansa na nasa ilalim ng hurisdiksyon nito, sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement na nilagdaan ng dalawang ahensya noong 2018.

Sa ilalim ng kasunduan, ang dalawang partido ay magpapatuloy sa kooperasyon para mapigilan ang pagpupuslit ng illegal na droga sa mga pantalan.

Bukod sa mahigpit na pagsusuri sa mga bagahe ng mga pasahero, nakikipagtulungan din ang PPA sa PDEA para sa pagkakaroon ng anti-illegal drug activities gaya ng pagbibigay ng pagsasanay sa mga kawani nito upang mas maging epektibo sa pagharang sa mga pasahero na sumusubok na makapagpuslit ng illegal na droga sa mga pantalan. Jocelyn Tabangcura-Domenden