PASAY CITY, Philippines – Alinsunod sa direktiba ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ay agarang kumilos ang lokal na pamahalaan upang magbigay ng ayuda at kortesiya sa mga biktima ng sunogk kung saan namatay ang isang 10-taong-gulang na batang babae Biyernes ng gabi, Oktubre 17.
Sinabi ni Calixto-Rubiano na nilang kanyang kinatawan ay pinangunahan ni Vice-Mayor Mark Calixto ang pagbisita sa mahigit 100 pamilya na nawalan ng tirahan na naging biktima ng sunog na nasa evacuation center sa Juan Sumulong Elementary School (JSES) kung saan 70 rito ang kasalukuyang kinakalinga ng mga kawani ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Calixto-Rubiano bilang tugon sa mga nangangailangang biktima ay pinagkalooban ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Vice Mayor Mark Calixto ang bawat pamilya ng food supplies, sleeping materials, hygiene kits at folding bed.
Lubos namang nagpa-abot ng kanyang pagkalungkot at pakikiramay si Mayor Emi sa pamilya ng nasawing 10-taong gulang na paslit na babae. Aniya, laging bukas ang pintuan ng kanyang tanggapan upang tulungang bumangon at makaahon sila sa trahedya.
Base sa isinagawang imbestigasyon ng Pasay City Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog bandang alas 11:00 ng gabi sa No. 2 Conchita St., Barangay 127 kung saan 25 kabahayan ang nilamon ng apoy. (James I. Catapusan)