Home METRO Pasay mayor nag-inspeksyon sa mga eskwelahan sa lungsod

Pasay mayor nag-inspeksyon sa mga eskwelahan sa lungsod

346
0
(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines – Kaugnay sa inilabas na memorandum ng Department of Education (DepEd), pinangunahan ni Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano ang pagsasagawa ng inspeksyon sa mga eskwelahan sa lungsod upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante sakaling makaranas ng malakas na lindol.

Tinungo ni Calixto-Rubiano, kasama sina City Engineer Officer-in-Charge Johari Rangiris at DepEd School Division Superintendent Dr. Joel Torrecampo, ang Timoteo Paez Elementary School (TPES) noong Martes ng umaga upang siyasatin ang kasiguruhan ng istruktura ng naturang eskwelahan.

(c) Cesar Morales

Sinabi ni Calixto-Rubiano na kabilang din sa memorandum na inilabas ng DepEd ang pagpapaigting ng health protocols bunsod ng mabilis na pagtaas ng mga kaso ng influenza-like virus na maaaring makaapekto sa bawat estudyante sa mga eskwelahan.

Ayon sa mayora, kanya ring inatasan si Rangiris na suriin ang integridad ng istruktura ng nasabing eskwelahan upang maiwasan ang anumang sakuna sakaling maranasan ng lungsod ang malakas na lindol.

Kasabay nito, ipinag-utos din ni Calixto-Rubiano ang pagsasagawa ng misting operations at iba pang pamamaraan tulad ng facility decongestion at hygiene drives na ipinatutupad ng administrasyon ng eskwelahan upang maiwasan ang health hazards.

Idinagdag pa ng mayora na sa loob ng limang buwan, mula Hunyo hanggang Oktubre ng kasalukuyang taon, ay umabot na sa 200 kaso ng influenza-like virus ang naitala sa lungsod.

Ang pagsasagawa ng inspeksyon ni Calixto-Rubiano ay naglalayong magbigay ng proteksyon hindi lamang sa mga estudyante kundi pati na rin sa mga guro at non-teaching personnel.

Matatandaan na nauna nang naglabas ng memorandum ang DepEd kung saan inanunsyo ng naturang ahensya ng gobyerno ang pagsususpinde ng face-to-face (F2F) classes sa Metro Manila noong Oktubre 13–14 upang makapagsagawa ng paglilinis ang mga guro at non-teaching personnel sa bawat silid-aralan ng mga paaralan sa lungsod. (James Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here