MANILA, Philippines – Ipinagmalaki ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy na ang ipinasang ₱6.793-trillion 2026 national budget ay maaaring hindi perpekto, ngunit malinaw na simula ng bagong yugto ng paglilingkod at itinuturing na budget na tapat sa sambayanan.
Sa kanyang talumpati matapos maipasa ang budget sa ikatlo at huling pagbasa, sinabi ni Dy na ang 2026 budget ay isang budget na ginawa sa liwanag, hindi sa dilim; na pinagtuunan ng sapat na oras, at nangibabaw ang puso at isip—hindi ang pansariling interes.
“Sa ilalim nito, walang naitago, walang tinago, at walang ibang layunin kundi tiyakin na ang bawat piso ng buwis ng ating mga mamamayan ay bumabalik sa kanila sa anyo ng oportunidad, serbisyo, at pag-asa. Ito ang ating panata: ang pera ng taumbayan ay para sa taumbayan. Kailangan nating siguraduhin na ang pondong ito ay ginagamit nang tapat, may malasakit, at ipinagkakatiwala sa mga kamay na may pananagutan,” pahayag ni Dy.
Pinuri rin ni Dy ang Majority at Minority Blocs sa pagtutulungan ng mga ito para mabalangkas ang budget.
“Sa ating Majority Bloc na pinangungunahan ng ating Majority Floor Leader Sandro Marcos, salamat sa inyong pagkakaisa, tiyaga, at malasakit sa proseso. Sa ating Minority Bloc na pinamumunuan naman ni Minority Floor Leader Marcelino Libanan, salamat sa inyong constructive inputs at mabusising pagtatanong. Sa ganitong masiglang palitan ng ideas and opinions, lumalakas ang ating institusyon at napapatatag ang ating demokrasya,” pahayag nito.
Kinilala rin ni Dy ang sipag at pasensya sa proseso ng pagsasaayos ng budget ng House Committee on Appropriations sa pangunguna ni Chairperson Mikaela Suansing.
Matapos ang pagpasa sa budget ay nag-adjourn na ang Kamara para sa kanilang Undas break. Babalik ang sesyon sa Nobyembre 10. Gail Mendoza