MANILA, Philippines- Lumikas ang mga empleyado at kliyente ng Pasig City Hall of Justice sa lugar matapos makatanggap ng umano’y bomb threat nitong Martes ng umaga.
Pansamantalang itinigil ang mga hearing na isinasagawa sa loob ng gusali habang iniimbestigahan ng mga miyembro ng bomb squad ang insidente.
Base sa mga awtoridad, nakatanggap ang building officials ng umano’y bomb threat sa pamamagitan ng email dakong alas-8:45 ng umaga.
Nakasaad sa email na sasabog ang gusali pagsapit ng alas-9 ng umaga at kailangang lisanin agad ang lugar.
Tumagal ang assessment ng 15 hanggang 20 minuto hanggang ideklara ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) K9 ang gusali na clear at ligtas kaya pinayagan nang makapasok muli ang mga empleyado at kliyente. RNT/SA