MANILA, Philippines- Sugatab ang 24 anyos na binata nang saksakin sa dibdib ng matandang binatang kapitbahay na kanyang sinita dahil sa maingay na motorsiklo sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).
Kinilala ang kalunos-lunos na biktima na si Edelberto Maningas Jr, habang ang naarestong suspek ay si Rodolfo Domingo 63, binata, kapwa residente ng Brgy. Gumaoc West.
Sa report ng SJDM police station, naganap ang insidente bandang ala-1:10 ng madaling araw nitong Oktubre 1 sa Brgy. Gumaoc West.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, bomba nang bomba ang senglot na suspek sa selinyador ng kanyang motor na nagdudulot ng ingay kaya kinompronta ito ng biktimang kapitbahay.
Nauwi ito sa mainitang pagtatalo hanggang sa magduwelo at sa hindi inaasahan ay biglang dumampot ng kutsilyo ang suspek na kanyang itinarak sa biktima.
Dahil dito, agad isinugod ang duguang biktima na may tama sa kaliwang dibdib sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Medical Center para sa paunang lunas.
Nahuli naman ng mga rumespondeng opisyal ng barangay ang suspek at kalaunan ay isinuko sa pulisya na nahaharap sa kasong Frustrated Homicide habang nakakulong sa naturang istasyon. Dick Mirasol III