Home NATIONWIDE Bong Go: ‘Di ko alam ang detalye sa Barayuga slay

Bong Go: ‘Di ko alam ang detalye sa Barayuga slay

MANILA, Philippines- Nilinaw ni Senator Bong Go na wala siyang alam na anumang impormasyon o detalye kaugnay ng pagpatay kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga, sa pagsasabing suportado niya ang reopening ng pagsisiyasat sa insidente.

Kahapon ay itinanggi ni Go ang sinabi ni ex-PCSO chairperson Anselmo Pinili na alam niya ang impormasyon ukol sa pagkamatay ni Barayuga.

Ito ay kasunod ng House of Representatives quad committee hearing noong Biyernes kung saan ay tinanong ni Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop si Pinili kung may impormasyon siya sa pagpatay kay Barayuga.  

Bilang tugon, sinabi ni Pinili na inihayag niya ang posibleng motibo at mga suspek sa likod ng pamamaslang sa isang privileged conversation  kina dating undersecretary Jesus Melchor Quitain at Senator Go.

“Nais kong klaruhin na wala akong alam sa sinasabing motibo sa kanyang pagkamatay o sa anumang impormasyon na mayroon si dating PCSO chair Anselmo Simeon Pinili ukol dito,” paglilinaw ni Go.

Ayon kay Go, isa na siyang senador nang mangyari ang insidente at idinagdag na nakapokus siya sa Senate committee on health.

“Senador na ako noong panahon na iyon at nakatutok tayo sa pandemya bilang chair ng Senate committee on health. Tumutulong ako sa Duterte administration noon sa pagtugon sa mga suliranin ng bansa, ngunit kapag may inilalapit sa akin na mga isyu o report, palagi kong inire-refer ang mga iyon sa kaukulang opisina, ahensya o opisyal. Lalo na kung hindi ko naman trabahong aksyunan ang mga iyon dahil senador ako na may sariling mandato,” ani Go.

Sinabi ni Go na wala sa kanyang kapangyarihan na manghimasok sa imbestigasyon sa nasabing insididente.

“Sa totoo lang po, hindi ko rin naman pwedeng pakialaman ang proseso ng ating kapulisan tungkol sa insidente. That is why I take exception sa mga ibinabalita sa media na may alam ako sa motibo ng pagkamatay ng isang tao at wala raw akong ginawa. Please get your facts straight. Doon lang sana tayo sa totoo at tama,” anang senador.

“Kilala niyo po ako. Mas gusto kong magtrabaho at magserbisyo lamang sa kapwa ko Pilipino,” dagdag niya.

Anang senador, marapat lamang na mabigyan ng karampatang hustisya ang pagkamatay ni Barayuga.

“Wine-welcome ko ang balak ng pambansang kapulisan na muling buksan ang imbestigasyon sa pagpatay sa dating opisyal ng PCSO na si Wesley Barayuga,” ani Go.

“Dapat lamang na mabigyan ng hustisya ang kanyang pamilya. Dapat nga noon pa ay nabigyan na ng hustisya iyan. Gayunpaman, mabuti na rin na maimbestigahan ‘yang muli ngayon para mapanagot ang dapat managot,” idiniin ni Go. RNT