MANILA, Philippines- Bahagyang natagalan ang paghahain ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) at Certificate of Nomination and Acceptance (CON-CAN) nitong Martes, Oktubre 1, 2024 ng AGAP Partylist.
Paliwanag ng first nominee na si Rep. Nicanor Briones, may kaunting diperensya lamang sa kanilang mga dokumento dahil lima lamang ang kanilang nominado na dapat sana ay 10 nominees, gayunman ay naisaayos din aniya at nakapag-file na ng kanilang COC at CON-CAN.
Pasado alas-7 ng umaga nang dumating grupo ng AGAP ngunit sila ay nakapaghain pasado alas-12 na ng tanghali.
Kabilang sa mga nominee ang pitong sektor sa agrikultura tulad ng Pork Producers Federation of the Philippines, Batangas Egg Producers Federation, Cavite Livestock Poultry Association, Fisherfolks na kasama rin sa advisory group.
Kasama rin sa matagal nang ipinaglalaban ng AGAP Partylist ang mga guwardiya kung saan mayroon silang 10 security agencies at batid aniya nila ang pangangailangan ng mga guwardiya kaya isinama nila sa mga nominee ang presidente ng Security Agency.
Panawagan ng Partylist kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., magdeklara ng “state of emergency and calamity” para sa bakuna lalo na sa mga piglets laban sa African Swine Flu upang magkaroon na ng emergency use authorization (EUA).
Hiniling din ng AGAP Partylist na magkaroon ng dagdag na calamity fund sa mga local government upang matulungan ang hog raisers o mga nag-aalaga ng mga baboy.
Sinabi ni Briones na ang agricultural sector ang nagtayo ng AGAP, na saklaw ang magsasaka, magbababoy, magmamanok, mag-iitlog, fisheries, magsasaka at aqua culture.
Ikinatuwa rin ng AGAP ang pagpasa sa matagal na nilang isinusulong na Anti-Sabotage Act kung saan si Briones ang principal sponsor at author ng nasabing batas. Jocelyn Tabangcura-Domenden