Home OPINION PASIG CITY MAY 4 NANG HERITAGE TREES

PASIG CITY MAY 4 NANG HERITAGE TREES

MAGKASAMANG idineklara ng DENR o Department of Environment and Natural Resources – National Capital Region at City Government of Pasig nitong July 1, 2024 ang isang balete tree na nasa Maybunga Rainforest Park bilang isang heritage tree.
Sa isang simpleng seremonya, binigyang-diin ni mayor Vico Sotto na nawa ay magsilbing paalala sa bawat Pasigueño na dapat na patuloy na protektahan ang kalikasan at ang kasaysayan.
Mayroon nang apat na heritage trees ang Pasig city, ang dalawa ay nasa loob ng Rizal High School at ang ikatlo ay nasa Pasig Catholic Cemetery na pawang acacia trees. Sa tantiya ng DENR-NCR, ang tatlong puno ay mahigit 100 taon na ang edad.
Sa programa ng DENR-NCR, ang malulusog na puno na may sukat na one-meter diameter at may edad na 50 taon at mayroong bahagi sa kasaysayan at sa kultura ay maaaring ideklarang heritage trees para mas mabigyan ng proteksyon.
Alinsunod sa probisyon ng Presidential Decree No. 953 o ang Forestry Code of the Philippines, mahaharap sa multang mula Php 500.00 hanggang Php 5,000.00 at pagkakulong ng mula anim na buwan hanggang dalawang taon.
Mayroon nang 42 na deklaradong heritage trees sa buong Metro Manila kung saan ay apat ang nasa Pasig City.
Lubhang mayaman ang kagubatan ng Pilipinas, isa tayong “mega diversity country”, kabilang sa ating yaman ang 3,800 uri ng puno kung saan 96 ang may medicinal value, batay sa beri­pikasyon at pag-aaral ng DENR o Department of Environment and Natural Resources, Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care, at ang De La Salle University – Health Sciences Campus Center for Indigenous Medicine.
Ang balete o Ficus benjamina na siyang pinakatatakutang puno sa bansa dahil paboritong tahanan daw ito ng mga maligno at engkanto. Nagtataglay raw ang punong ito ng mga kababalaghan.

Pero bukod dito, kayang pagalingin ng katas ng balat at ugat nito na nahaluan ng langis ang mga sugat at gasgas kapag pinahid, at kapag ininom naman ay mahusay para sa mga sakit sa atay. Ang dinikdik na balat at dahon ay mahusay sa rheumatic headaches.