Home METRO “Paskuhan” sa San Jose City, sinimulan na

“Paskuhan” sa San Jose City, sinimulan na

304
0

NUEVA ECIJA, Philippines – Nagliwanag ang nasa isang ektaryang paligid ng Nueva Ecija 2nd congressional district office sa San Jose City matapos pailawan ang life size belen at giant Christmas tree nitong Sabado ng gabi.

Bago ang pagpapailaw ay binasbasan muna ang belen at ang lugar bilang pagpapasalamat at hingin ang patnubay ng Panginoong Diyos.

Makaraan nito, sabay-sabay na nag-count down ang mga dumalo sa pagsindi ng mga makukulay na ilaw at naggagandahang disenyo pang-Pasko na sinabayan ng fire works display na naghatid ng labis na kasiyahan sa mga bata at kanilang mga magulang.

Laking pasasalamat ng mga nagtulong-tulong para muling maitayo ang pailaw dahil sa kabila ng pananalasa ng bagyong Uwan ay nagkaroon pa rin ng lugar na mapapasyalan at makapag-bonding ang bawat pamilya kung saan mararamdaman ang diwa ng Kapaskuhan.

“Kailangang itayo nating muli, gawin natin dahil alam naman natin ang Pasko. Pinaliliwanag natin ang Lungsod ng San Jose at yan po ay naging tradisyon na po namin sa halos dalawang dekada kaya nandito po nagpapasalamat po ako sa lahat ng tao na tumulong. Masuwerte po tayo dahil ang Panginoon talaga ay kaisa natin dahil muli po nyang binigyan ng saya ang lungsod ng San Jose,” sabi ni Rep. Mario “Kokoy” Salvador, Nueva Ecija 2nd district representative.

Bukod sa naggagandahang pailaw, may libreng movie din para sa chikitings at kung aabutin ng gutom sa pag-ikot sa malawak na lugar ay may night market din na pwedeng makabili ng ibat ibang klase ng pagkain kabilang na dito ang puto-bungbong at bibingka.

May street foods din tulad ng mga ihaw-ihaw, goto, balot at marami pang iba na talaga namang sasakto sa mga naghahanap ng iba’t ibang makakain.

“May mga sari-saring tindahan d’yan makakatulong din na makapagbigay sa maliit na kababayan natin na nagnenegosyo  o gustong kumita,” ani pa ni Rep. Salvador. (MARINA BERNARDINO-SY)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here