Home METRO Paslit dedo, kuya sugatan matapos madaganan ng bato sa ilog

Paslit dedo, kuya sugatan matapos madaganan ng bato sa ilog

DAVAO DEL SUR – Patay ang isang 18-buwang gulang na bata, habang sugatan naman ang kanyang apat na taong gulang na kapatid matapos silang maipit ng malaking bato habang naliligo sa ilog sa Sta. Cruz.

Sinabi ni Wresly Marie Castillon, tiyahin ng mga biktima, na pumunta ang mga bata kasama ang mga miyembro ng pamilya sa Sibulan River noong weekend para maligo at maglaba.

Gayunpaman, sinabi ng mga saksi na nagsimulang umulan at isang malaking bato sa gilid ng ilog ang gumalaw at nahulog sa dalawang paslit.

“Ang kuya ko, agad na tumakbo. Napigilan pa niya ang bato pero dahil nga sa bigat nito, hindi na niya nakaya, nabitawan na niya ang bato,” ani Castillon sa isang interbyu.

Sinubukan ng mga bystanders na tumulong upang makuha ang mga bata mula sa ilalim ng malaking bato. Napakabigat ng bato kaya kailangan ng mga rescuer ng backhoe para buhatin ito.

Naisugod pa sa ospital ang mga biktima ngunit idineklarang dead-on-arrival ang 18-buwang gulang na bata habang patuloy na ginagamot ang kanyang kuya.

Nangako ang lokal na barangay ng tulong sa naulilang pamilya. RNT