Home METRO Paslit patay sa kuya

Paslit patay sa kuya

LAPU-LAPU CITY- MAAGANG binawian ng buhay ang isang 5-anyos na batang lalaki matapos hatawin ng bato sa ulo at mukha saka nilunod ng sariling kuya nito nitong Biyernes, Mayo 10 sa lungsod na ito.

Nagpalutang-lutang at wala nang buhay nang makita ang katawan ng biktima sa baybaying dagat na sakop ng Sitio Lawis, Brgy. Suba-Basbas, Lapu-Lapu City.

Itinurn-over naman sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng lungsod ang 14-anyos na suspek na half-brother ng biktima para sa tamang interbensyon.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Christian Torres, tagapagsalita ng Lapu-Lapu City Police Office (LCPO), bandang 9:00 AM nang maganap ang insidente subalit 1:00 PM na ipinaabot sa kanilang tanggapan ang pangyayari.

Sa imbestigasyon ng pulisya, magkakasamang nag swimming excursion ang magkapatid kasama ang isa pa nilang 7-anyos na kapatid.

Ayon kay Torres, sinadyang lunurin at patayin ng suspek ang biktima dahil sa galit nito sa ama ng huli dahil palagi umanong pinapalayas sa kanilang bahay.

Bukod pa rito, kilala ang suspek bilang masama ang ugali at palaging nagsisimula ng gulo.

Sa pag-aakala ng ina na aksidente ang pagkalunod ng 5-anyos na anak kaya hindi agad ito na ipagbigay-alam sa pulisya.

Hanggang sa nagkuwento ang 7-anyos nitong anak na nakita niyang pinukpok ng kanilang kuya (suspek) ang biktima ng malaking bato sa ulo at mukha saka nilunod sa tubig na naging sanhi ng kamatayan nito.

Sa kasalukuyan iniimbestigahan na rin ng mga awtoridad kung gumagamit ng iligal na droga ang suspek. Mary Anne Sapico