MANILA, Philippines – Pinaikli ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang trabaho sa Senado bukas Enero 9, 2025 upang makaiwas sa pagsisikip ng daloy ng trapiko sa inaasahang Pista ng Itim na Nazareno mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo Church sa Maynila.
Sa kalatas na ipinalabas ni Atty. Renato Bantug Jr, secretary of the Senate na may petsang Enero 8, hanggang alas dos ng hapon lamang ang trabaho sa Senado.
“In view of road closures and traffic resulting in some parts of Metro Manila on 9 January 2025, Senate President Francis “Chiz” Escudero has instructed that work in the Senate tomorrow shall only be until 2:00 p.m.,” ayon sa kalatas ni Bantug.
Tuwing ika-9 ng Enero, ipinagdiriwang ng Simbahang Katoliko ang Pista ng Itim na Nazareno na inilipat sa Quirino Grandstand na nagsimula ang siyam na araw na novena nitong Enero 1.
Sinabi pa ni Bantug na pinapayagan din ang lahat ng komite na magsagawa ng pulong, pagdinig at technical working group at inatasan ang sinumang opisyal at tauhan na ipagpatuloy ang kani-kanilang Gawain.
Hindi kasama sa pinaikling oras ng trabaho ang Office of the Sergeant-At-Arms (OSAA), Maintenance and General Services Bureau.
Base sa kalatas naman ng awtoridad, bago magsimula ang prusisyon mula Quirino Grandstand patungong Quiapo Church, magkakaroon ng misa sa umaga ng Enero 9 at isang concelebrated mass sa naturang lugar.
Sisimulan ang prusisyon dakong 8 ng umaga na ilalagay ang Imahen ng Itim na Nazareno sa Andas patungong Quiapo Church.
Inaasahang magsisikip ang daloy ng trapiko sa dadaanan ng Andas partikular ang Katigbak Drive, Padre Burgos Street, Taft Avenue, Ayala Boulevard, Jones Bridge, Quezon Blvd., at lahat ng lansangan at kalye patungong Quiapo Church.
Nagtalaga ang pamahalaan ng libu-libong pulis at volunteers upang pangalagaan ang seguridad ng ruta at kapaligiran ng Quiapo City at Quirino Grandstand kabilang ang maraming medical teams na ipapadala ng Department of Health (DOH), Bureau of Fire at ilang volunteer medical assistance group. Ernie Reyes