Home OPINION PATAY 116, MILYONES TODO-HIRAP NGAYON

PATAY 116, MILYONES TODO-HIRAP NGAYON

103
0

PATAY kay Kristine, nasa 116 na, at maaaring may susunod pa umano rito.

Hanggang ngayon, marami pa rin sa mahigit 500,000 na nasa mga evacuation center ang hindi makabalik sa kanilang mga tahanan.

Nasa 500,000 din ang nakikipanirahan sa mga kamag-anak, kaibigan, kakilala at iba pa.

Nasa 6 milyon ang mga naapektuhan o nagkaroon ng pinsala bagama’t hindi gaano kalaki o kalala.

Sa totoo lang, naapektuhan ang lahat ng dinaanan ng bagyo bagama’t hindi nagkaroon ng pinsala maliban lang sa sila’y nagkaroon ng stress o takot na matamaan sila o sa kaiisip ukol sa mga kapitbahay o kamag-anak o kaibigan na nababalitaang nilulunod ng baha, naghihirap, namamatayan at iba pa.

STATE OF CALAMITY

May 160 lugar ang nagdeklara ng state of calamity.

Mga lalawigan, lungsod, munisipyo at barangay ang bumubuo ng mga calamity area na ito.

Sila ang higit na tinamaan at karamihan sa mga ito ang nasa Kabikulan, 79 lahat, at Timog Katagalugan, 64.

May state of calamity rin sa 13 lugar sa Eastern Visayas at tig-1 sa Ilocos Region, Soccsksargen, Cordillera Administrative Region at National Capital Region.

Sila ang may pinakamaraming namatayan, missing at nasugatan.

Sa Kabikulan lamang, may 38 umanong namatay habang halos 60 sa Batangas at ang ibang namatay, nakakalat na sa iba’t ibang lugar.

Kapag idineklara ang state of calamity sa isang lugar, hindi lang buhay ang mga napinsala kundi ang mga kabuhayan, tahanan at iba pa.

Kaya humuhugot ng calamity fund nila ang mga lokal na pamahalaan at kung kinakapos, dito magbubuhos ng tulong ang pambansang pamahalaan.

Mahirap talaga ang mapailalim sa krisis sa kalamidad at alam ba ninyong, maging ang iyong kapitbahay ay hindi makatutulong sa iyo?

Ito’y dahil namatayan din siya o nasairan ng pagkain o nasiraan ng todo sa ari-arian o lumubog din sa baha na katulad mo.

Diyan na dapat pumasok ang pamahalaan para magbigay ng mga kinakailangang ayuda.

Ang mga sibilyan na may maitutulong, hindi naman basta nanonood lang.

Gumagawa ang mga ito ng paraan na makapaghatid ng tulong, ayon sa kanilang mga kakayahan.

MANDURUGAS SA KALAMIDAD

Sana hindi maulit sa mga panahong ito ang nangyayari sa ibang mga kalamidad gaya noong dinaluhong ang Kabisayaan ni bagyong Yolanda.

Sa rami ng mga bumuhos na ayudang lokal at dayuhan, anak ng tokwa, marami sa mga ayuda ang kinorap, iniuwi at ibinenta sa mga tindahan.

May mga nagtayo rin ng housing projects na puro substandard kaya marurupok, walang water supply at itinayo sa mga overpriced na lupa.

May mga bulto rin ng pondo na hindi malaman kung saan napunta.

Kung minsan iniisip natin, ang mga mandurugas at korap, sana sila na ang unang pinapipila ni Lord sa kanyang harapan at hindi ang mga inosente at naghihirap na mga biktima ng mga kalamidad.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here