Home NATIONWIDE Pati menor-de-edad nakabibili BONG GO: DISPOSABLE VAPE BAN, DAPAT LANG

Pati menor-de-edad nakabibili BONG GO: DISPOSABLE VAPE BAN, DAPAT LANG

MANILA, Philippines – Ipinahayag ni Senate committee on health chair Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang pagsuporta sa panukalang ipagbawal ang pagbebenta ng mga disposable vape sa Pilipinas.

Ayon sa senador, hindi wasto ang pagbebenta, lalo sa online market ng disposable vape kaya maging ang mga menor-de-edad ay nagkakaroon ng access sa pagbili nito.

Bukod pa rito aniya ang mga potensyal na panganib sa kalusugan ng vape dahil sa hindi pagsunod sa mga umiiral na batas.

Dahil dito, binigyang-diin ni Go ang kritikal na pangangailangang higpitan ang pagkontrol sa pagbebenta ng mga disposable vape sa pagsasabing napakamapanganib ang dulot ng availability nito sa online.

“Karamihan sa mga ito ay ibinebenta online, nang walang katiyakan na hindi ito ibinebenta sa mga menor de edad. Ang mga ito ay hindi kinokontrol at hindi natin alam kung ang mga produkto bang ito ay ligtas gamitin. Posibleng malagay sa panganib ang kalusugan ng mga tao,” sabi ni Go.

Idinagdag niya na dahil sa hindi reguladong pagbebenta nito online, karamihan ay hindi binubuwisan at ang ganitong gawain ay nag-aalis sa gobyerno sa nararapat nitong kitain.

Binanggit ni Go na may umiiral na Vape Law na idinisenyo upang matiyak na ang mga vape na ibinebenta sa consumer ay ligtas at mabibili lamang ng mga nasa legal na edad.

Aniya, mahalaga ang pagpapatupad ng mga regulasyong ito upang maiwasan na ang mga menor-de-edad ay magkaroon ng access sa mga naturang produkto.

Dahil dito, nanawagan si Go sa Department of Trade and Industry (DTI) na aksyonan ang pagbebenta ng mga vape sa online at tiyaking ang mga batas at regulasyon sa Pilipinas ay nasusunod.

Kamakailan ay binigyang pansin ni Finance Secretary Ralph Recto ang isyu at binanggit na ang mga disposable vape, karamihan ay hindi rehistrado sa DTI kaya nakaiiwas sa excise tax at maaaring maging isang malaking problema sa hinaharap.

Nilinaw niya na wala pang pormal na panukala ang DTI, ang ahensyang responsable sa pag-regulate ng mga vape at iba pang bagong produktong tabako.

Ang mga disposable vape, na idinisenyo bilang non-rechargeable device na na-pre-charge at na-prefill na ng likido, ay nakaaakit sa kabataan dahil sa accessibility at mababang halaga nito. RNT

Previous articleSuporta sa mga kababaihan ipinakita ni Tolentino
Next articleWanted na rapist, arestado sa Caloocan