MANILA, Philippines – TINIYAK ni Executive Secretary Ralph G. Recto ang pangako ng pamahalaan na tutulungan ang mga karapat-dapat na estudyante sa ilalim ng presidential scholarship program hanggang sa kanilang pagtatapos.
“Galingan ninyo ang pag-aaral ninyo; pagsikapan ninyo,” paghihikayat ni Recto sa mga scholars sa kanyang pagbisita sa Oriental Mindoro, araw ng Miyerkules, Hulyo 15.
“‘Pag kayo ay nakapagtapos ng pag-aaral ninyo, matutulungan ninyo ang inyong pamilya, makakatulong kayo sa ating mga komunidad, at mababawasan ang kahirapan sa ating bansa,” dagdag ng kalihim.
Binigyang-diin ni Recto ang utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “ihatid ang serbisyo ng ating pamahalaan sa mga mas nangangailangan.”
Aniya, ang scholarship program ay isa sa mga pangunahing programa ng pamahalaan na naglalayong matiyak na lahat ng bata ay makakapagtapos ng pag-aaral.
Ang Bagong Pilipinas Barangay Presidential Scholars Program ay isang pambansang inisyatiba sa edukasyon sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos na naglalayong mabawasan ang mataas na bilang ng mga nag-aaral na umaalis sa kolehiyo.Inilunsad bilang bahagi ng inisyatibang “Bawat Bayan Makikinabang,” nagbibigay ito ng pinansyal na tulong na P20,000 sa mga karapat-dapat na estudyante sa kolehiyo.
Ngayong taon, higit sa tatlumpung milyong estudyante ang nakinabang sa mga subsidiya mula sa pamahalaan, ayon kay Recto.
“At ang sabi ng Pangulo, ‘Kulang pa ‘yan,’ kaya dinagdagan niya para siguraduhin na lahat ng barangay sa Pilipinas ay may makapagtapos na mga kabataan natin,” dagdag ni Recto sa kanyang talumpati.
Inanunsyo ng kalihim na sa Mindoro, bawat barangay ay magkakaroon ng limang presidential scholars.
Pinasalamatan ni Recto si Gobernador Humerlito Dolor at ang mga lokal na opisyal. “Sila ang mga … partner ng ating Pangulo upang maisagawa ang programang ito,” aniya.
Ipinahayag naman ni Gobernador Dolor na sa napakaraming Presidenteng kanyang naranasan, “wala akong natatandaang administrasyon na nagbigay ng pantay-pantay” kundi ang administrasyon ni Pangulong Marcos.
“Sa kauna-unahang pagkakataon, sa panahon ni Pangulong [Marcos], sa inisyatiba at pangangalaga ni Executive Secretary Ralph Recto, nabuo ang konsepto: bawat barangay, makikinabang,” sabi ng gobernador.
Hinimok naman ni Recto ang mga estudyante na “maging kabahagi ng pag-unlad ng Pilipinas.”
Aniya, ang scholarship program ay patunay ng dedikasyon ng administrasyon ni Pangulong Marcos sa paghubog ng kinabukasan ng mga kabataang Pilipino at sa pagtupad sa adyenda ng inklusibong pag-unlad.
Direktang tinutugunan ng programa ang nakababahalang mga bilang ng mga nag-aabandona sa kolehiyo (na iniulat na halos 29 porsyento) sa pamamagitan ng pagtutok sa mga estudyanteng malapit nang magtapos ngunit nasa panganib na bumagsak dahil sa kakulangang pinansyal.
Ang programa ay pinondohan sa pamamagitan ng Local Government Support Fund at Socio-Civic Project Funds. Bawat isa sa mahigit 42,000 barangay sa bansa ay tumatanggap ng alokasyon na P200,000, kung saan kalahati (P100,000) ay itinalaga nang partikular para sa tulong pang-edukasyon.
Bawat barangay ay pumipili ng limang kwalipikadong estudyanteng nasa huling taon sa kolehiyo upang tumanggap ng P20,000 bawat isa.
Ang programa ay naisakatuparan sa iba’t ibang lokalidad sa Pilipinas. KRIS JOSE