MANILA, Philippines – Patung-patong na kaso ang isasampa laban sa mga rioters na naaresto noong Setyembre 21 anti-corruption protests kabilang na dito ang illegal assembly, assault, at resistance ayon kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.
Sa isang panayam, sinabi ni Domagoso na kinumpirma ng Manila Police District (MPD) na nasa kustodiya nila ang 127 nasa hustong gulang at 89 na menor de edad.
Nabatid na sa mga menor de edad, 67 ang inuri bilang children in conflict with the law (CICL) habang nasa 24 ang kinilala bilang children at risk (CAR).
Maliban sa 24 na CAR, sinabi ni Domagoso na sasampahan ng kaso ang 192 rioters dahil sa paglabag sa Batas Pambansa 880 (The Public Assembly Act of 1985), Article 146 ng Revised Penal Code (Illegal Assembly), Article 148 (Assault against a person in authority and their agent), at Article 151 (Resistance and Disobedience).
Aniya, ang mga karagdagang kaso, kabilang ang malicious mischief, arson, physical injuries, at inciting to sedition, ay nasa ilalim pa rin ng pagsusuri.
Binigyang pansin naman ng alkalde ang pagkakasangkot ng mga menor de edad sa naganap na kagulihan kung saan hinikayat nito ang Kongreso na isaalang-alang ang mga hakbang sa lehislatura upang matugunan ang mga sitwasyon kung saan ang mga menor de edad ay na-recruit sa mga kaguluhan o mob actions.
“Are they doing it on their own, or are they being manipulated? Kailangan tingnan natin,” ani Domagoso.
Umapela din si Domagoso sa mga magulang ng mga naaresto na makipagtulungan sa mga awtoridad.
“Kung ako sa inyo, kausapin niyo na ang mga anak ninyo at tulungan ang mga pulis na ituro kung sino ang mga tao behind this. Kung hindi, kayo lang ang babalikat sa problemang binigay ninyo sa Maynila na inyong pananagutan sa batas,” giit ni Yorme.
Samantala, sinabi ng Alkalde na sinusuri ng mga awtoridad ang mga anggulo na tumuturo sa mga posibleng pasimuno, kabilang ang isang abogado, isang Filipino-Chinese businessman, at isang politiko na nagbibigay umano ng pondo sa mga rioters.
Idinagdag niya na ang iba pang mga posibilidad ay kinabibilangan ng mga pagtatangka na ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga isyu sa katiwalian o siraan ang mga lehitimong nagpoprotesta.
Kaugnay nito, tinatayang nasa ₱692,785.64 ang pinsala sa mga traffic signal facility sa limang intersection sa kahabaan ng Recto Avenue ng Manila City government.
Sinabi ni Domagoso na bahagi lamang ito ng tally, kung saan patuloy pa rin ang assessment para sa mga sasakyan, motor, stoplights, streetlights, CCTV units, at permanenteng traffic barricades.
“Maybe in a week or ten days from now, mato-total na natin ang danyos,” aniya, at idiniin na ang pagkasira ng mga ari-arian mapa-pribado man o pampubliko ay sisingilin sa mga responsable. JAY Reyes