MANILA, Philippines – Nagbabala ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines noong Huwebes, Pebrero 5, na lalong lalaki lang ang utang ng mga guro kung hindi itataas ang kanilang sahod.
Ayon kay ACT Chairperson Ruby Bernardo, kahit nakakaakit ang mas mahabang loan terms, hindi nito tinutugunan ang pangunahing sanhi ng problema: mababang sahod ng mga guro.
“Baon pa rin sa utang ang mga guro dahil sa kapos na sweldo at kakarampot na benepisyo,” ani Bernardo.
Inilahad ng ACT na napipilitan ang mga guro na mangutang nang paulit-ulit para sa pang-araw-araw na gastusin at bayaran ang dati nilang utang.
Binanggit din nila na ang mga guro ay nanghihiram hindi para sa luho, kundi para sa pagkain, upa, kuryente, kalusugan, edukasyon ng mga anak, at gastusin sa paaralan.
Hinimok ng ACT ang gobyerno at Kongreso na magbigay ng P50,000 starting salary para sa mga public school teachers, upang hindi na kailanganing umasa sa pautang.
“Hangga’t kapos ang sahod, kahit anong financial ‘flexibility’ ang ialok, mauuwi lang ito sa paulit-ulit na pagkakautang,” dagdag pa ni Bernardo.
Binibigyang-diin din ng ACT na hindi dapat gawing permanenteng solusyon ang utang para sa kakulangan ng sahod.
Ang tanging pangmatagalang solusyon, ayon sa grupo, ay makabuluhang dagdag-sweldo at mga repormang magpapataas sa antas ng pamumuhay ng mga guro, alinsunod sa konstitusyonal na karapatan ng bawat manggagawa. RNT/MND