MANILA, Philippines – Dinayo nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas senatorial slate ng administrasyon, ang balwarte ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte.
Dumalo sa campaign rally sa Carmen Municipal Park and Plaza nitong Sabado, Enero 15 sina dating Interior Secretary Benhur Abalos, outgoing Makati City Mayor Abby Binay, Senators Ramon “Bong” Revilla Jr., Lito Lapid, at Francis Tolentino, ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo, kasama rin sina dating senador Manny Pacquiao at Vicente “Tito” Sotto III.
Hindi naman nakasama sa event sina senador Imee Marcos at Pia Cayetano, dating Senador Panfilo “Ping” Lacson, at Las Piñas Rep. Camille Villar.
Ito na ang ikatlong campaign sortie ng administration slate, matapos dumayo sa Laoag City at Iloilo.
Sa press conference bago ang campaign rally, sinabi ni Alyansa Para sa Bagong Pilipinas campaign manager at Navotas City Rep. Toby Tiangco na layon ng senatorial slate ng administrasyon na ipresenta sa mga tao ang plataporma, saan man ang venue.
“Ang goal talaga is mapaabot sa bawat Pilino, ideally, as much as possible, ‘yung programa ng Alyansa at ‘yung plataporma ng bawat kandidato. No matter where the region is, the goal will be the same,” ani Tiangco.
“Ang pagpaliwanag naming ng aming plataporma is not whether we are positive or not doon sa lugar na ‘yon,” dagdag niya.
Kumpiyansa naman si Sotto na makakakuha ng boto ang administration slate mula sa Mindanao matapos nilang ilatag ang plataporma.
“Maganda ang chances dito sa Mindanao. I’m not saying that we will win or all of us will win, but I have said, lahat kami maganda ang chances naming sa Mindanao taking Mindanao as a whole,” ani Sotto.
“Hindi po ‘yan dahil sa apelyido, hindi po sa pangalan, hindi po kung ano-ano, sikat siya… Lahat po ‘yan na nakikita niyo na 12 na ‘yan did something under the PRRD administration,” ayon naman kay Tulfo.
Aminado naman sina Abalos at Binay na nais nilang mangampanya sa Mindanao dahil ito ang unang pagkakataon na tatakbo sila bilang senador.
“Dahil hindi ako tiga-Mindanao, tayo po ay nanliligaw. That’s the point, the reason kung bakit po kami bumababa sa lahat ng regions and kailangan pa namin puntahan ‘yong mga lugar na hindi ka malakas… you go out of your comfort zone because gusto mong kumuha ng boto doon sa lugar na ‘yon,” sinabi ni Binay.
“I just do hope na sana po ay makilala po ang karamihan sa amin ‘no. Siguro amongst everyone ako ‘yong hindi masyadong kakilala dahil bago lang po ako tumakbo bilang senador,” pahayag naman ni Abalos.
Kabilang sa mga nais solusyunan ng administration senatorial slate ay ang problema sa kuryente sa Davao Region.
Samantala, naniniwala si Pacquiao na matutugunan ng nuclear power plant ang problema sa enerhiya sa bansa.
“Dapat mayroon tayong talagang sarili nating nuclear power plant like ‘yung sa Bataan kasi kung ganito nang ganito tayo, talagang mabagal pa sa pagong ‘yong magiging development ng ating bansa,” sinabi ni Pacquiao. RNT/JGC