MANILA, Philippines – NAKATAKDANG magkita at magpulong sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at US President Donald Trump para sa kanilang unang bilateral meeting sa Washington.
Kinumpirma ng Malakanyang ang pagkikita at pakikipagpulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay US President Donald Trump para sa kanilang unang bilateral meeting sa Washington sa darating na Hulyo 20-22, 2025.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na hindi niya dine-deny ang bagay na ito. Sa halip ay kinukumpirma niya ang nasabing pagbyahe ng Pangulo sa Washington.
Ipinaubaya naman ni Castro sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang detalye at kung ano ang magiging agenda ng Pangulo sa pakikipagkita nito kay Trump.
Samantala, inanunsyo rin ni US Secretary of State Marco Rubio, habang ang dalawang treaty allies ay pinalalakas ang kanilang depensa at military ties para hadlangan ang agresyon ng Tsina sa South China Sea.
Nakatakda namang mag-deploy ang Pilipinas ng trade delegation sa Estados Unidos sa susunod na linggo para ipagpatuloy ang negosasyon, matapos na itaas ng administrasyong Trump ang taripa nito sa Pilipinas ng 20%, maliban na lamang kapag naplantsa ang kasunduan.
“(We) look forward to hosting the President of the Philippines in Washington in a few days,” ang sinabi ni Rubio sa mga mamamahayag kasunod ng pakikipagpulong sa Philippine at Japanese counterparts sa sidelines ng ASEAN ministerial meetings sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ito ay magiging official working visit para kay Pangulong Marcos, ang unang head of state mula sa Association of Southeast Asian Nations na inimbitahan ni Trump sa White House, ayon naman kay Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez.
Nagkaroon naman sina Rubio, Philippine Foreign Secretary Theresa Lazaro, at Japanese Foreign Minister Takeshi ng kanilang unang trilateral meeting noong Huwebes, at muling pinagtibay ang kanilang commitment na palakasin ang economic at security ties habang humaharap sa umiigting na paggigiit ng Tsina at pagpapalawak ng kanilang military presence sa pinagtatalunang South China Sea—isang mahalagang trading route.
Inilarawan naman ni Rubio ang pagpupulong bilang “excellent” nang tanungin ukol sa kinalabasan ng pagpupulong, tanda ng commitment ng Washington sa trilateral arrangement na sinimulan ng political rival at predecessor ni Trump na si Joe Biden.
“We have a great relationship with Japan and the Philippines, and work very closely with them on the economic corridor, on maritime security, and territorial integrity to build upon that partnership,” ang sinabi pa rin ni Rubio. Kris Jose