Home NATIONWIDE PBBM, Biden, Ishiba trilateral call nakatakda sa Enero 12

PBBM, Biden, Ishiba trilateral call nakatakda sa Enero 12

MANILA, Philippines- Kinumpirma ng Malakanyang ang napaulat na virtual meeting sa pagitan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., outgoing United States (US) President Joe Biden, at Japanese Prime Minister Shigeru Ishiba.

“The trilateral phone call is scheduled for Sunday, Jan. 12,” ayon kay Presidential Communications Office Secretary Cesar Chavez.

Sa kabila nito, hanggang sa ngayon ay hindi pa rin inilalabas ng Malakanyang ang agenda at iba pang impormasyon ukol sa nasabing pagpupulong.

Ang napipintong pagpupulong ay kasunod ng trilateral summit na idinaos sa Washington noong nakaraang taon, kung saan tinalakay ng mga lider ng Estados Unidos, Japan, at Pilipinas ang malawak na sakop ng mga usapin kabilang na ang ‘security cooperation, infrastructure development, at regional economic resilience.’

Nagsagawa rin ang tatlong bansa ng multilateral maritime cooperative activity noong Disyembre ng nakaraang taon sa layunin na ipakita ang joint commitment na pangalagaan ang international waters at tiyakin ang free navigation sa Indo-Pacific region sa gitna ng tumataas na tensyon sa South China Sea. Kris Jose