Home OPINION PBBM BINATIKOS NG NCCP: ‘MAPAGKUNWARI MALINIS SA ISYU NG KATIWALIAN’

PBBM BINATIKOS NG NCCP: ‘MAPAGKUNWARI MALINIS SA ISYU NG KATIWALIAN’

259
0

SA paggunita ng ika-53 anibersaryo ng pagdedeklara ng martial law noong 1972, muling nagbigay ng matinding paalala at panawagan ang National Council of Churches in the Philippines (NCCP) hinggil sa umiiral na mga isyu ng katiwalian at kakulangan ng pananagutan sa ilalim ng Marcos administration.

Tinawag na “mapagkunwari” ng NCCP si President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., sa kanyang pag-angking malinis at walang bahid, habang malinaw naman na ang kanyang mga kaalyado, kaanak, at malalapit na persona­lidad sa politika ang nasa likod ng tinatawag na mga kontrobersyal na alokasyon at insertions sa pambansang badyet.

“Habang ang Senado at KAMARA ay nagbabangayan tungkol sa hati-hati ng mga proyektong pangkontrol sa baha, hindi maaaring itanggi ni Pangulong BBM na ang mismong mga tao, kapartido, at kaalyado niya ang arkitekto at tagapagpatupad ng bulok na sistemang ito. Kung gayon, imposibleng magpatuloy ang ganitong uri ng katiwalian nang wala ang kanyang basbas,” saad ng NCCP, sabay paghahambing sa malaganap na cronyism na nangyari noong panahon ng kanyang ama sa ilalim ng diktadura ng Martial Law.

Tinukoy ng Simbahan na noong 1972, ginamit ng dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., ang “krisis at katiwalian” bi­lang dahilan upang bigyang-katuwiran ang pagpapataw ng batas militar at ang paglaban sa sinasabing lumalakas na kilusang komunista. Ngunit sa kasaluku­yan, anila, hindi nalalayo ang sit­wasyon dahil ang anak na si Marcos, Jr., ay humaharap din ngayon sa mga paratang ng malawakang katiwalian, partikular sa mga anomalya sa proyektong flood control.

Dagdag pa ng NCCP, kapansin-pansin ang paggamit muli ng Malacañang Palace at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ng parehong retorika, na ang mga rebeldeng grupo diumano ay si­nasamantala ang isyu upang mag-udyok ng pagkadismaya ng publiko. Para sa kanila, ito ay malinaw na estratehiya ng pamahalaan upang ilayo ang atensyon ng mamamayan sa tunay na usapin ng katiwalian at upang takasan ang panawagan para sa transparency at pananagutan.

Bukod sa flood control pro­jects, tinukoy rin ng NCCP na dapat suriin ang iba pang sensitibong alokasyon ng pondo, ka­gaya ng Php 10 billion confidential and intelligence fund na alokasyon sa Office of the President. Ayon sa kanila, kahalintulad ito ng mga nakaraang iskema ng pork barrel na nagpapalalim sa agam-agam ng publiko hinggil sa kawalan ng transparency.
Mariing nanindigan ang NCCP na kaakibat nila ang ma­ma­­mayan sa panawagan para sa isang pamahalaang tapat, ma­katao, at walang bahid ng katiwalian.

“Hindi maaaring manatiling pang-kampanyang islogan lamang ang mabuting pamamahala. Kung patuloy na aabusuhin ng mga nasa kapangyarihan ang batas upang bigyang-katwiran ang katiwalian at supilin ang tinig ng bayan, unti-unting mawawala ang tiwala ng taumbayan sa pa­mahalaan,” giit ng grupo.

Hamon nila kina Pangulong BBM, Vice President Sara Du­ter­te, at mga kaalyado nito na ilantad ang kanilang badyet pa­ra masusing masuri ng publiko, iba­sura ang confidential and intelligence fund, ilabas ang kani-kani­lang SALN, at huwag magtago sa bank secrecy law para malantad ang kanilang tunay na yaman.

Nanawagan din ang NCCP na wakasan na ang red-tagging at walang basehang paratang laban sa mga kritiko ng pamahalaan. Sa halip, dapat itaguyod ang demokrasya at ipagtanggol ang karapatan ng mamamayan sa malayang pagpapahayag at ma­payapang pagtitipon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here